Diskurso PH
Translate the website into your language:

CitizenWatch kontra sa total ban sa online gambling

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-13 09:03:03 CitizenWatch kontra sa total ban sa online gambling

MANILA — Nanindigan ang advocacy group na CitizenWatch Philippines na hindi total ban kundi mas mahigpit at malinaw na regulasyon ang dapat ipatupad sa online gambling sa bansa. Sa gitna ng tumitinding panawagan para sa pagbabawal ng e-gambling, iginiit ng grupo na ang blanket prohibition ay maaaring magdulot ng mas malalaking problema kaysa solusyon.

“Calls for a total ban on online gaming are understandable given the rising public concern. But banning isn’t the answer. It creates more problems than it solves,” pahayag ni Orlando Oxales, lead convenor ng CitizenWatch.

Ayon kay Oxales, ang ganap na pagbabawal ay maaaring magtulak sa industriya na lumipat sa underground market, kung saan wala nang regulatory oversight mula sa gobyerno. Dahil dito, mas mataas ang panganib ng panlilinlang, money laundering, at pag-abuso sa mga manlalaro—lalo na sa mga kabataan.

“What we need is stricter, smarter regulation—clear rules, modern tools and responsible enforcement that protect our people while preserving public benefit,” dagdag pa niya.

Inirekomenda ng grupo ang paggamit ng teknolohiya gaya ng artificial intelligence (AI) at facial recognition upang mapigilan ang mga menor de edad sa pag-access ng gambling platforms. Nanawagan din sila sa mga operator na paigtingin ang kanilang “Know Your Customer” systems at magpatupad ng mekanismong tutugon sa abusive behavior ng mga users.

Tinukoy ni Oxales na ang kita mula sa e-gambling ay umaabot sa ₱50 bilyon kada taon, na ginagamit sa mga programang pangkalusugan, sports development, at drug rehabilitation. Aniya, ang total ban ay maaaring magdulot ng pagkalugi sa gobyerno ng hanggang ₱100 bilyon ngayong taon.

“Let’s be clear: Abuse must be stopped. But prohibition is a blunt tool. Precision regulation is more effective—and more sustainable,” giit ni Oxales.

Sa gitna ng mga panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang online gambling, nanawagan ang CitizenWatch sa pamahalaan na huwag maging “extreme” sa solusyon, kundi magpatupad ng balanseng polisiya na may malinaw na proteksyon para sa publiko.