DOJ Prosecutors, mariing umapela laban sa pagbibigay-piyansa kay ex-Rep. Arnie Teves
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-13 11:41:48
Setyembre 13, 2025 – Mariing tinutulan ng Department of Justice (DOJ) prosecutors ang desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 12 na payagan si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na makapagpiyansa sa isa sa mga kasong kinahaharap nito.
Ayon sa DOJ, ang nasabing ruling ay tumutukoy lamang sa isang kasong murder noong 2019 at hindi dapat ituring na pagpapahina sa iba pang mabibigat na kaso laban kay Teves.
“This grant of bail will be the subject of strong opposition by our prosecutors. The ruling in this single case does not diminish, nor does it affect, the weight and strength of the other charges pending against Mr. Teves,” pahayag ng DOJ prosecutors.
Dagdag pa nila, ang pagpapalaya kay Teves ay maglalagay umano sa publiko sa seryosong panganib.
Si Teves ay nahaharap pa rin sa iba’t ibang kaso gaya ng multiple murder, illegal possession of firearms and explosives, at iba pa. Kabilang dito ang pagkakasangkot umano niya sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo noong 2023, na nagresulta sa pagkamatay ng gobernador at ilang sibilyan.
Giit ng DOJ, mananatili nilang ipaglalaban na papanagutin si Teves sa mga kaso upang matiyak na makakamtan ng mga biktima at ng publiko ang hustisya.
Larawan mula sa Pna.gov.ph