Dump truck bumangga sa poste driver patay, nagdulot pa ng malawakang brown out sa Zambales
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-13 21:31:00
Castillejos, Zambales — Isang trahedya ang sumalubong sa mga residente ng Barangay Balaybay, Castillejos, Zambales matapos bumangga ang isang dump truck ng buhangin sa poste ng kuryente kaninang madaling araw, Setyembre 13, 2025 na nagdulot ng malawakang brown-out sa lugar.
Kinilala ang nasawi na si Charlie Sandoval, drayber ng naturang trak. Ayon sa ulat ni Police Major Michael Udal, hepe ng Castillejos Municipal Police Station, posibleng nakatulog si Sandoval habang nagmamaneho, dahilan upang mawalan siya ng kontrol at tuluyang bumangga sa konkretong poste sa gilid ng kalsada.
Sa lakas ng impact, tumilapon at nagkabali-bali ang bahagi ng sasakyan, at mas malala pa, halos humiwalay ang ulo ng biktima sa kanyang katawan. Agad siyang binawian ng buhay sa mismong lugar ng aksidente.
Dulot ng pagkakabagsak ng poste, nawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng Castillejos at mga karatig-barangay. Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Castillejos Bureau of Fire Protection at Municipal DRRMO upang tumulong sa insidente, at masimulan ang pagkukumpuni upang maibalik ang suplay ng kuryente.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang kagganapan sa insidente. “Base sa paunang pagsusuri, malaki ang posibilidad na nakatulog ang drayber habang bumibiyahe. Patuloy nating inaalam kung may iba pang naging sanhi gaya ng mekanikal na problema sa trak,” pahayag ni Major Udal.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang ilang residente na nakasaksi sa insidente. “Nakakaawa kasi kilala namin siya dito. Sana maging paalala ito sa lahat ng mga tsuper na huwag magmaneho kapag pagod o antok,” wika ng isang barangay tanod na tumulong sa pagresponde.
Ang labi ni Sandoval ay pansamantalang dinala sa isang punerarya sa bayan, habang inaayos ng mga awtoridad ang karagdagang detalye para sa ulat.
larawa/facebook