Magalong itinalagang adviser sa bagong anti-corruption commission
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-13 15:51:19
MANILA — Pormal nang itinalaga si Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong bilang special adviser ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI), ayon sa Malacañang nitong Sabado. Ang komisyon ay binuo sa bisa ng Executive Order No. 94 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang imbestigahan ang mga anomalya sa flood control at iba pang infrastructure projects ng gobyerno sa nakalipas na sampung taon.
Kasama sa komisyon sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio “Babes” Singson at SGV & Co. managing partner Rossana Fajardo bilang mga commissioner. Samantalang si Magalong, isang retiradong heneral ng PNP at kilalang anti-corruption advocate, ay magsisilbing tagapayo sa imbestigasyon ngunit hindi opisyal na miyembro ng komisyon.
“Mayor Magalong is not technically part of the commission, but he will serve in an advisory capacity,” paliwanag ni Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing. Dagdag pa niya, “To lead this task, the President has appointed individuals of proven competence, integrity, and deep familiarity with infrastructure, finance, and institutional reform.”
Ang ICI ay may kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon, maglabas ng subpoena, at magrekomenda ng mga kasong kriminal, administratibo, o sibil laban sa mga sangkot sa katiwalian. Layunin nitong linisin ang sistema ng pamahalaan sa gitna ng mga ulat ng ghost projects at kickback schemes na umabot sa ₱100 bilyon sa flood control contracts.
Bagamat una nang itinanggi ni Magalong ang ulat na siya ay magiging bahagi ng komisyon, tinanggap niya ang papel bilang adviser matapos ang pormal na pagtalaga. “Yes. I am very much willing,” tugon ni Magalong sa GMA News nang tanungin kung handa siyang tumulong sa imbestigasyon.
Samantala, ilang mambabatas gaya ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co ay nagpahayag ng pag-aalinlangan sa pagiging patas ng komisyon dahil sa mga naunang pahayag ni Magalong na tumutukoy sa kanya bilang isa sa mga “mastermind” ng flood control scam. “It does not give me confidence that this independent body will conduct a fair and unbiased investigation,” ani Co.
Inaasahang iaanunsyo ng Palasyo ang chairperson ng ICI sa darating na Setyembre 15. Magsisimula na rin ang komisyon sa pangangalap ng ebidensya at pagsusuri ng mga kontrata sa mga susunod na linggo.