Diskurso PH
Translate the website into your language:

PBBM nagdiwang ng ika-68 kaarawan, wish niya: 'Walang Pilipinong magugutom”

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-13 17:33:07 PBBM nagdiwang ng ika-68 kaarawan, wish niya: 'Walang Pilipinong magugutom”

MANILA — Ipinagdiwang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang ika-68 kaarawan ngayong Sabado, September 13, sa isang masayang pagtitipon sa Kalayaan Grounds ng Malacañang Palace.


Tinawag na “Salo-salo sa Palasyo” ang selebrasyon na dinaluhan ng mga opisyal, bisita at ilang mamamayan. Sa halip na pormal na programa o talumpati, mas pinili ng Pangulo na maging simple at puno ng kasiyahan ang pagtitipon. Nakisaya rin si First Lady Liza Araneta-Marcos na makikitang nakipaglaro sa mga bata.


Ayon sa Presidential Communications Office, ang taunang salo-salo ay nagsisilbing tradisyon ng kasalukuyang administrasyon na sumisimbolo sa pagiging bukas at malapit ng Pangulo sa kanyang mga nasasakupan.


Sa isang panayam bago ang kanyang kaarawan, inulit ni Marcos ang matagal na niyang birthday wish.


 “My birthday wishes have not changed since the beginning until now that I have been President, and that is that every Filipino’s life be good… I hope we can achieve my dream of no more hungry Filipinos,” aniya.


Noong 2022, sa kanyang unang birthday bilang Pangulo, isang nationwide tree-planting event ang isinagawa sa San Mateo, Rizal.


Noong 2023, tumulak siya sa Singapore para dumalo sa 10th Asian Conference ng Milken Institute at nanood din ng Formula One Grand Prix.


Noong 2024, pormal na inilunsad ang “Handog ng Pangulo: Salo-salo sa Palasyo” kasabay ng biyahe niya sa Nueva Ecija para sa programang “Agri Puhunan at Pantawid” na nakatuon sa pagtulong sa mga magsasaka.


Ngayong 2025, nananatiling pareho ang kanyang panalangin—ang matuldukan ang kagutuman at mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino.

larawan mula sa Bongbong Marcos Fb