Remulla nagbabala laban sa prank calls sa 911
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-13 15:51:20
MANILA — Nagbabala si Interior Secretary Jonvic Remulla laban sa mga gumagawa ng prank calls sa bagong Unified 911 emergency hotline ng pamahalaan, kasunod ng ulat na halos 30% ng mga tawag sa ikalawang araw ng operasyon ay peke o panloloko.
“If you make a prank call to 911, your number will be flagged. If something happens to your family, if something happens to your house, if your house is on fire, you will be the last priority that the 911 system will respond to,” mariing pahayag ni Remulla sa isang panayam sa Camp Crame.
Ayon sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG), umabot sa 58,000 ang tawag sa ikalawang araw ng operasyon ng hotline, kung saan tinatayang 30% ay prank calls. Sa unang araw ng trial run, 11,000 tawag ang natanggap ng sistema.
Bilang tugon, hinikayat ni Remulla ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa na magpapataw ng parusa sa prank callers. “Dapat may ordinance ang lahat ng LGUs na may monetary fine, jail time basta prank call,” aniya.
Ipinaalala rin ng DILG na sakop ng Presidential Decree No. 1727 ang mga prank calls, kung saan maaaring makulong ang sinumang mapatunayang nagpakalat ng maling impormasyon ng hanggang limang taon, multang ₱40,000, o pareho.
Bukod sa legal na parusa, sinabi ni Remulla na ang bagong 911 system ay may kakayahang tukuyin agad ang lokasyon ng tumatawag gamit ang geofence at geo data. “So kung tumawag ka at prank call ka, within five minutes, mahuhuli ka nila,” babala niya.
Sa kabila ng mga hamon, pinuri ni Remulla ang unang tagumpay ng sistema matapos ang mabilis na pagresponde ng pulisya sa isang kaso ng kidnapping sa Quezon City, kung saan nailigtas ang isang 78-anyos na negosyante at naaresto ang 11 suspek sa loob ng ilang oras.
“From Tawi-Tawi to Jolo, you can call. It’s just one number now, and our first responders can reach you,” dagdag ni Remulla, habang nananawagan sa publiko na gamitin ang hotline nang responsable.