Diskurso PH
Translate the website into your language:

Solid PDP parin, Bong Go, tiniyak na hindi niya sinuportahan ang pagpalit ng Senate leadership

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-13 19:57:10 Solid PDP parin, Bong Go, tiniyak na hindi niya sinuportahan ang pagpalit ng Senate leadership

Setyembre 13, 2025 – Mariing itinanggi ni Senador Christopher “Bong” Go ang pahayag ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nagpahayag umano siya ng interes na lumagda sa resolusyong naglalayong palitan ang liderato ng Senado.


Sa isang pahayag na ipinaskil ni Go sa kanyang Facebook page noong Setyembre 12, iginiit niyang wala siyang sinabi o ipinangako kay Sotto na susuporta siya sa tinaguriang “Senate leadership coup” laban kay Sen. Chiz Escudero.


Ayon kay Go, bagama’t nakapag-usap sila ni Sotto, nangyari ito matapos ang botohan sa Senado kung saan nahalal na si Sotto bilang bagong Senate President kapalit ni Escudero.


> “Wala akong sinabing gusto kong sumama sa kanila. Sa oras na nagkausap kami, tapos na ang laban, sapat na ang boto, at naihalal na siya bilang bagong SP,” paliwanag ng senador.


Dagdag pa niya, hindi rin siya at ang iba pang kasapi ng kanilang grupo hiningan ng suporta bago nangyari ang pagbabago ng pamunuan sa Senado.


Matatandaang sinabi ni Sotto sa isang panayam noong Setyembre 9 na tinawagan siya ni Go at nagpahiwatig umano ng kahandaang pumirma kung siya ay hihingan ng suporta.


Samantala, nilinaw ni Go na nananatili siyang “solid” na miyembro ng PDP Laban Senators at bahagi ng minority bloc. Aniya, bukas siya sa pakikipagtulungan sa mga kasamahang senador sa kabila ng pagkakaiba ng paninindigan sa ilang isyu.


Binigyang-diin pa ng senador na mananatiling nakatuon ang kanyang trabaho sa kalusugan ng mga Pilipino at sa mga aral na kanyang natutunan mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Hanggang sa ngayon, wala pang opisyal na tugon si Sotto sa naging pahayag ni Go.