Student beep card ilulunsad na sa Setyembre 20
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-13 15:51:21
MANILA — Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na ilulunsad na sa darating na Setyembre 20 ang Student Beep Card, isang espesyal na card na magbibigay ng 50% discount sa pamasahe ng mga estudyante sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya at maginhawa ang pampublikong transportasyon para sa mga kabataang nag-aaral. “Inutusan ko po ang team natin na tapusin agad ang mga problema sa system dahil alam kong matagal na itong inaabangan ng mga estudyanteng pasahero. Kung kailangang hindi matulog, hindi kami matutulog para ma-launch na natin agad ito,” pahayag ni Transport Secretary Giovanni Lopez.
Naantala ang orihinal na petsa ng paglulunsad noong Setyembre 15 dahil sa “system issues,” ngunit tiniyak ng DOTr na ito ay naresolba na. Simula Setyembre 20, magkakaroon ng on-the-spot printing ng student beep cards sa mga istasyon ng MRT-3, LRT-1, at LRT-2 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga.
Upang makakuha ng card, kailangang magpakita ng valid student ID o proof of enrollment para sa kasalukuyang academic year, pumirma sa acknowledgment form, at magbayad ng one-time fee na ₱30. Hindi pinapayagan ang proxy o kinatawan sa aplikasyon—ang mismong estudyante lamang ang maaaring mag-apply.
Kasabay ng student beep card, ilulunsad din ang white beep cards para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs), na may parehong 50% discount. Sa kasalukuyan, maaaring gumamit ng single journey tickets ang mga estudyante upang makakuha ng diskwento habang hinihintay ang opisyal na card.
Ang student beep card ay renewable kada school year at inaasahang makatutulong sa libu-libong estudyante sa Metro Manila na araw-araw na sumasakay sa tren.