Cayetano umamin laging posible ang coup sa Senado
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-15 21:13:31
MANILA — Inamin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na “laging may posibilidad” ng pagbabago sa liderato ng Senado, kasunod ng mga usap-usapan ukol sa posibleng coup laban kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Sa isang ambush interview nitong Lunes, sinabi ni Cayetano na bagama’t hindi aktibong nagre-recruit ang minority bloc ng mga senador mula sa majority, bukas pa rin ang pinto sa anumang pagbabago. “There is always a possibility,” ani Cayetano. “So ‘pag lumapit sa amin ngayon, siyam kami, ‘pag lumapit sa’min apat at sinabi majority [kami] tatanggihan namin? Pero ako, ni isang senador na majority, wala akong kinausap”.
Nilinaw ni Cayetano na wala pang napag-uusapan sa minority kung sino ang posibleng pumalit kay Sotto kung sakaling magkaroon ng leadership shake-up. “May timing ‘yan eh. Kaka-upo lang nila, syempre solid pa sila. Hindi pa namin napag-usapan sa minority na kung meron mang papalit, sino. Pumayag sila na ako ang minority leader. Wala pang nag-uusap as a group kung sino ang Senate President”.
Pinuna rin ni Cayetano ang majority bloc sa umano’y pag-uugnay sa minority sa mga coup rumors. “Ngayon, kung may discontent sa 15 [senador], problema nila ‘yun, hindi namin problema ‘yun. So sila nag-bring up, tapos sila din babaril, sila din magsasabing may plot. Eh sila nga nagpa-plot, election pa lang sinasabi nga papalitan nila si Senator Escudero”.
Samantala, nanindigan si Sotto na nananatiling “solid” ang 15-member majority bloc. “The Senate president is always in office because of the trust and confidence of his colleagues. We serve at the pleasure of our colleagues,” ani Sotto. “So if there are majority from the Senate who want a different Senate President, what can we do? So be it”.
Ang mga pahayag ay lumabas ilang araw matapos palitan ni Sotto si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President, sa gitna ng mga imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control projects. Patuloy ang pag-usbong ng mga haka-haka sa posibleng muling pagbabago sa liderato ng Senado.