‘Walang makakatakas' — Babala ni Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co sa administrasyon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-16 23:48:23.jpg)
MANILA — Matapos ang kontrobersyal na budget hearing, muling nagbitaw ng matitinding pahayag si Kabataan Partylist Representative Atty. Renee Co laban kay Vice President Sara Duterte. Ito’y matapos tanungin ng Pangalawang Pangulo kung magkamag-anak ba sila ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, isang bagay na agad itinanggi ng batang mambabatas.
Giit ni Co, ang dapat pagtuunan ay hindi ang apelyido nila kundi ang P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP). Aniya, “Eh, ikaw, kaano-ano mo si Mary Grace Piattos? Three years na, hindi mo pa rin maipaliwanag kung saan napunta ang 125 million na confidential funds? Galawang pusit. Puro intriga. Um-attend nga ng hearing, troll behavior naman.”
Hindi rin nagpahuli si Co sa pagbibigay ng mas matitinding banat laban kay Duterte: “Tularan niya ang tatay niya, travel na lang siya abroad at huwag na bumalik. Dapat ilipat ang pondo ng OVP sa mga SUCs at iba pang serbisyo kaysa magamit pa sa unli-revenge travel ni Sara Duterte.”
Binatikos din niya ang mabilis na pagtatapos ng pagdinig na umano’y hindi nagbigay ng sapat na pagkakataon sa ibang mambabatas na magtanong. “Nakakahinayang na di man lang nakapagtanong ang mga kapwa-mambabatas… Natatakot ba tayo magtanong?” dagdag niya.
Nagbigay rin ng babala si Co sa administrasyon, na ang kawalan ng malinaw na sagot mula sa Duterte o Marcos camp ay hahantong sa pagkilos ng publiko: “Ang korap talaga, di magsasabi ng totoo at ayaw magpapaliwanag sa publiko—Duterte man o Marcos. Kung di sila sasagot sa hearings, sisingilin sila ng taumbayan sa Luneta sa September 21 at sa susunod pang mga protesta. Walang makakatakas.”
Sa kabila ng mainit na palitan, nananatiling nakatutok ang publiko sa usapin ng confidential funds—isang isyung patuloy na nagdudulot ng tensyon sa pagitan ng oposisyon at ng administrasyon. (Larawan: Kabataan Partylist / Fb)