‘Wag niyo na akong isama sa listahan’ — Toby Tiangco tumanggi umanong mapasama sa listahan ng posibleng pumalit kay Romualdez
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-17 02:29:02.jpg)
NAVOTAS CITY – Tahasang tinanggihan ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang mga alok at panawagan na mapasama siya sa listahan ng mga kinokonsidera upang palitan si House Speaker Martin Romualdez, kasunod ng mga isyung umiikot sa Kamara.
Sa isang pahayag, iginiit ni Tiangco na hindi siya interesado sa posisyon at ayaw niyang mabahiran ng pagdududa ang kaniyang paninindigan laban sa katiwalian.
“Basta sinasabi ko sa lahat ng kumakausap sa’kin, ‘wag n’yo na akong isama sa listahan,” ani ng kongresista.
“I was the most vocal about the issue (corruption), baka sabihin ginamit ko lang ‘yung issue para maging speaker ako. Papatunayan (ko) na it’s not about the speakership, it’s about the real issue na kinakagalit ng tao.”
Kamakailan lamang ay naging mainit na usapin sa politika ang posibilidad ng pagbabago sa liderato ng Kamara matapos maharap sa batikos si Romualdez. Lumutang ang ilang pangalan bilang mga potensyal na kapalit, kabilang si Tiangco, ngunit agad itong pinutol ng kongresista sa pamamagitan ng kaniyang pahayag.
Dagdag pa niya, mas mahalagang ituon ang atensyon sa paglutas ng problema ng katiwalian at sa pagtugon sa hinaing ng publiko kaysa sa personal na ambisyon. Ang hakbang ni Tiangco ay umani ng papuri mula sa ilan, na nakakita ng katapatan sa kaniyang paninindigan, ngunit nag-iwan din ng tanong kung sino nga ba ang posibleng pumalit kay Romualdez kung sakaling mauwi sa pagbabago ang liderato.
Patuloy na nakatutok ang publiko sa mga susunod na hakbang ng Kamara, lalo na’t nananatiling sensitibo ang isyu ng korapsyon at pamumuno sa mababang kapulungan. (Larawan: Toby Tiangco / Fb)