Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sakristan na inanod at nawala sa isang Falls sa Cebu, natagpuang patay matapos ang dalawang araw na paghahanap

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-17 00:28:02 Sakristan na inanod at nawala sa isang Falls sa Cebu, natagpuang patay matapos ang dalawang araw na paghahanap

CEBU CITY, Philippines — Natagpuan na ang bangkay ng 16-anyos na sakristan na si Russell Morsillos, matapos ang halos tatlong araw na paghahanap mula nang tangayin siya ng rumaragasang tubig sa Bugasok Falls, Barangay Conalum, Argao, Cebu.

Si Morsillos, residente ng Barangay Tulic at isang estudyante sa lokal na paaralan, ay nagsisilbi ring altar server o sakristan sa kanilang parokya. Huling nakita siyang lumalangoy kasama ang 11 pang kaeskuwela noong Sabado ng hapon, Setyembre 13, nang biglang lumakas ang agos bandang alas-3:00.

Ayon sa mga saksi, pumasok ang grupo sa lugar nang walang koordinasyon sa barangay o lokal na awtoridad. Dahil hindi marunong lumangoy ang biktima, agad siyang inanod ng malakas na tubig habang walang nagawang tulong ang kanyang mga kasama.

Mabilis na nagsagawa ng search and retrieval operations ang Argao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), katuwang ang mga residente at pulisya. Natagpuan ang kanyang katawan bandang alas-11:00 ng umaga nitong Lunes, Setyembre 15, sa Barangay Usmad, tatlong kilometro mula sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon kay Eric Matos, assistant head ng Argao MDRRMO, malaking naging hadlang ang kakulangan ng adult supervision at ang hindi pagsunod sa patakaran ng barangay. “Ang ilahang pag-adto, sila ra 11, puro sila mga batan-on unya wala’y mga adult didto. Hinungdan ani kay wala sila’y coordination sa barangay. Gani ang ingon sa usa sa mga konsehal, kung maligo, dapat mu-log in,” aniya.

Dagdag ni Matos, ang kawalan ng monitoring at agarang tugon sa lugar ang nakapagpabagal sa operasyon. Dahil dito, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na siguraduhing makipag-ugnayan muna sa barangay bago bumisita sa mga tourist spot, lalo na sa mga mapanganib na lugar gaya ng mga talon at ilog.

Itinuro rin ng MDRRMO ang kahalagahan ng parental guidance, tamang koordinasyon, at masusing pagsusuri sa sariling kakayahan sa paglangoy upang maiwasan ang ganitong trahedya.

Ang bayan ng Argao, na matatagpuan 67 kilometro timog-silangan ng Cebu City, ay kilala sa mga natural attractions tulad ng Bugasok Falls ngunit ngayon ay nakikibahagi sa pagluluksa sa pagkamatay ng binatang sakristan na minsang nagsilbing ilaw ng kanilang simbahan at komunidad. (Larawan: Google)