Aircon technician na rank no. 1 most wanted sa Rizal, arestado sa 13 kaso ng child abuse
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-17 01:33:34
RIZAL — Naaresto ng mga awtoridad sa Rizal ang isang 41-anyos na aircon technician na nahaharap sa 13 kaso ng child abuse, ayon sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (PPO).
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jay R”, residente ng Brgy. Sipsipin, Jala-Jala, Rizal. Siya ang tinaguriang No. 1 Most Wanted Person sa buong lalawigan.
Batay sa ulat, nadakip si Jay R noong Lunes, Setyembre 15, 2025, bandang 8:30 ng umaga sa bisa ng Warrant of Arrest para sa 13 paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Bawat kaso laban sa kanya ay may katumbas na ₱200,000 na piyansa, na magdadala ng kabuuang milyon-milyong halaga kung kanyang babayaran.
Sa opisyal na pahayag ng Rizal PPO sa Facebook, binigyang-diin nila ang matagumpay na operasyon ng Jala-Jala Municipal Police Station laban sa tinaguriang "Rank No. 1 Provincial Most Wanted Person." Dagdag pa rito, pansamantalang nakakulong ang akusado sa Jala-Jala custodial facility habang inaayos ang mga legal na dokumento para sa pagsasampa ng kaso at pagbalik ng warrant sa korte.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang iba pang detalye hinggil sa mga biktima, ngunit tiniyak nilang mahaharap sa hustisya ang suspek.
Nanawagan din ang kapulisan sa publiko na maging mapagmatyag at agad magsumbong ng anumang kaso ng pang-aabuso laban sa kabataan, upang maprotektahan ang kanilang karapatan at kaligtasan. (Larawan: Rizal PPO / Fb)