Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Rizal PPO, nagsagawa ng outreach at lecture laban sa ‘kriminalidad’ para sa mga kabataan sa Tanay

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-17 01:43:18 Tingnan: Rizal PPO, nagsagawa ng outreach at lecture laban sa ‘kriminalidad’ para sa mga kabataan sa Tanay

TANAY Matagumpay na naisagawa ng Rizal Police Provincial Office (PPO) ang isang makabuluhang outreach at lecture activity ngayong Martes, Setyembre 16, 2025, sa National Training School for Boys (NTSB), Brgy. Sampaloc, Tanay, Rizal. Ang programa ay bahagi ng pagdiriwang ng 31st National Crime Prevention Week (NCPW) na may temang “Pinalakas na Pamahalaang Lokal para sa Ligtas na Pamayanan: Pagpapatibay ng mga Programa sa Pag-iwas sa Krimen sa ilalim ng CSOP.”

Pinangunahan ang aktibidad ni Police Colonel Feloteo A. Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal PPO, kasama ang iba pang opisyal at katuwang na ahensya. Tampok sa programa ang mga lecture nina Atty. Maclord M. Talamayan, Provincial Director ng NAPOLCOM-Rizal, at Pastor Walter P. Godoy, Provincial Life Coach, na nagbigay-inspirasyon at gabay sa mga kabataang kalahok.

Itinuturing na mahalaga ang aktibidad dahil ang mga kalahok ay pawang Child in Conflict with the Law (CICL) na kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitasyon. Tinalakay sa mga lecture ang kahalagahan ng tamang pagdedesisyon, pagbabalik-loob sa maayos na landas, at pagyakap sa mga bagong oportunidad para sa pagbabago ng buhay.

Binigyang-diin ng Rizal PPO na sa kabila ng mga pagkakamaling nagawa ng kabataan, palaging may pag-asa at pagkakataon para magbago lalo na kung may sapat na malasakit, disiplina, at suporta ng komunidad.

Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, umaasa ang kapulisan na ang mga kabataang nasa NTSB ay hindi lamang makakabangon mula sa kanilang nakaraan kundi magiging instrumento ng kabutihan at ehemplo ng pagbabago para sa mas ligtas at maunlad na lipunan. (Larawan: Rizal PPO / Fb)