Cement truck, nawalan ng preno at nagdulot ng multi-vehicle crash sa Cotabato
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-17 00:58:55
MAKILALA, COTABATO — Nagdulot ng matinding aksidente ang isang cement mixer truck matapos umanong mawalan ng preno at bumangga sa isang closed van, dahilan ng sunod-sunod na banggaan ng ilang sasakyan at maging ng pader ng munisipyo ng Makilala nitong Martes.
Ayon sa ulat ng Unang Balita, malakas ang naging impact ng pagkakabangga kaya’t naitulak nang ilang metro ang closed van hanggang sa bumangga ito sa isang turtle cab o mas kilala bilang “bao-bao.” Hindi pa rito natapos ang aksidente dahil nadamay din ang isang motorsiklo na nadaganan ng dalawang mas malalaking sasakyan.
Nagkaroon ng tensyon at matinding takot sa lugar habang patuloy na gumugulong ang mga sasakyan na hindi makontrol. Tumakbo ang mga bystander upang iligtas ang kanilang sarili. Huminto lamang ang cement mixer truck at ang van matapos sumalpok sa pader ng Makilala municipal hall.
Sa kabutihang palad, walang naiulat na seryosong nasaktan sa insidente, bagay na itinuring na malaking milagro ng mga residente dahil sa bigat ng mga sangkot na sasakyan at lawak ng pinsala.
Ayon sa driver ng cement mixer truck, nawalan ng preno ang kanyang sasakyan kaya hindi na niya ito nakontrol. Sa ngayon, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kondisyon ng trak upang matukoy kung ito ay simpleng mechanical failure o may kinalaman din ang kapabayaan sa insidente.
Kasalukuyan ding tinataya ng lokal na pamahalaan ang pinsala sa mga sasakyan at sa gusali ng munisipyo. Patuloy namang pinaalalahanan ng mga otoridad ang mga motorista na regular na magsagawa ng maintenance check sa kanilang mga sasakyan, lalo na sa mga mabibigat na truck, upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente. (Larawan: Makilala Police)