Mirasol palabas na ng PAR, bagong bagyong Nando bantang super typhoon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-18 08:55:45
MANILA — Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Huwebes ng umaga ang Tropical Depression Mirasol, habang ang bagong bagyong si Nando ay patuloy na lumalakas at posibleng umabot sa super typhoon category sa mga susunod na araw.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), si Mirasol ay kasalukuyang nasa coastal waters ng Pagudpud, Ilocos Norte at kumikilos pa-north northwest sa bilis na 10 km/h. Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 km/h at pagbugso na umaabot sa 70 km/h. Bagama’t lumabas na ito sa landmass ng Luzon, patuloy pa rin itong magdadala ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera, at Ilocos Region ngayong araw.
Samantala, pumasok na sa PAR ang Tropical Depression Nando bandang 8:00 p.m. Miyerkules. Matatagpuan ito 1,140 kilometro silangan ng Southeastern Luzon, may lakas ng hangin na 55 km/h at bugso na 70 km/h, at kumikilos pa-west northwest sa bilis na 15 km/h.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas pa si Nando habang nasa Philippine Sea at posibleng maging ganap na bagyo pagsapit ng Sabado, Setyembre 20. Hindi rin isinasantabi ng ahensya ang posibilidad na umabot ito sa super typhoon category bago tumama o dumaan malapit sa Batanes-Babuyan area sa susunod na linggo.
Bagama’t hindi pa direktang naaapektuhan ng bagyo ang bansa, inaasahang palalakasin ni Nando ang southwest monsoon (habagat) na maaaring magdulot ng malalakas na ulan sa Northern Luzon simula Linggo o Lunes. Posibleng itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga lugar sa hilagang bahagi ng Luzon sa Sabado upang bigyang panahon ang mga residente na makapaghanda.
Nagpaalala ang PAGASA sa mga lokal na pamahalaan at residente sa mga apektadong lugar na maging alerto sa posibleng pagbaha, landslide, at mapanganib na kondisyon sa dagat.