Sapul sa CCTV: Grade 8 na estudyante, kinuyog ng 5 kabataan sa Atimonan, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-21 00:03:55
ATIMONAN QUEZON — Sapul sa CCTV ang insidente ng pananakit kung saan limang kabataan ang sabay-sabay na kumuyog sa isang Grade 8 student ng Atimonan National Comprehensive High School sa Atimonan, Quezon.
Ayon sa ulat, nakilala na ng mga awtoridad ang mga menor de edad na sangkot sa pambubugbog, habang patuloy namang pinaghahanap ang isang 22-anyos na lalaki na umano’y unang sumuntok sa biktima bago ito pinagtulung-tulungan ng iba.
Sa video, makikitang walang laban ang estudyante habang pinapalo at pinagsusuntok ng grupo, dahilan upang agad magdulot ng matinding concern mula sa mga magulang at residente sa lugar.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang motibo ng insidente, habang inaasahang haharap sa kaukulang kaso ang mga suspek. Samantala, binibigyang-diin ng pamunuan ng paaralan ang kanilang pagtutok sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga estudyante. (Larawan: Screengrab from Quezon Province News and Updates / Fb)