Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Mas malaki ang anomalya sa flood control noong panahon ni Duterte’ — Senate President Tito Sotto

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-21 01:11:14 ‘Mas malaki ang anomalya sa flood control noong panahon ni Duterte’ — Senate President Tito Sotto

MANILA Ibinunyag ni Senate President Tito Sotto na mas malaki umano ang naging anomalya sa mga proyektong pang-flood control noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa kasalukuyan.

Ayon kay Sotto, kung hindi umano nabunyag sa panahon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isyu ng katiwalian, hindi sana mababalikan ang mas malalaking anomalya na nangyari mula 2016 hanggang 2022.

“Ang catalyst dito ’yung nabuko sa Marcos administration. Ang nangyari tuloy, when you look back, paglingon mo, eh mas matindi pala at doon pala nagsimula ang malalaki doon sa 2016 to 2022,” ani Sotto.
“Ito lang ang dahilan kung bakit nabuko at nabisto,” dagdag pa niya.

Bilang halimbawa, binanggit ni Sotto ang kaso ng mga Discaya, na aniya’y nagsimula pa noong 2004 ngunit lalo umanong lumobo at naging lantaran ang kita sa pagitan ng 2016 at 2022.

Ang pahayag na ito ng Senate President ay lalo pang nagpainit sa diskusyon ukol sa lawak ng katiwalian sa flood control projects, isang isyu na kasalukuyang iniimbestigahan sa parehong Kamara at Senado.

Samantala, mariing iginiit ni Sotto na dapat ituloy ang mga imbestigasyon at papanagutin ang mga opisyal na mapapatunayang sangkot, anuman ang kanilang posisyon o administrasyon. (Larawan: Tito Sotto / Fb)