Lalaking nagbantang pasasabugin ang PNP-ACG online, arestado sa Batangas
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-20 20:49:39
Batangas — Kalaboso ang isang lalaki matapos na magbanta sa pamamagitan ng social media na pasasabugin umano ang tanggapan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG). Nahuli ang suspek sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Batangas City, kamakalawa.
Kinilala ng mga pulis ang akusado bilang si alyas “Harvey”, na gumamit ng tatlong dummy accounts upang ipakalat ang kanyang mga pagbabanta at pagmumura laban sa opisina ng PNP-ACG. Ang reklamo ay personal na inihain ng social media handler ng ahensya matapos makatanggap ng sunud-sunod na banta at mapanirang mensahe sa comments section at messenger application.
Ayon kay PNP-ACG Director, P/Brig. Gen. Bernard Yang, matapos maisampa ang reklamo ay agad nilang inatasan ang Cyber Response Unit na magsagawa ng operasyon. Sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court, tinunton ng pinagsanib na puwersa ng Cyber Response Unit at Cyber Patrolling and Intelligence Unit ang lokasyon ng suspek sa Batangas City hanggang sa kanilang matagumpay na pag-aresto.
Batay sa masusing imbestigasyon, tatlong pekeng account ang ginamit ni Harvey upang tuloy-tuloy na makapagpadala ng pagbabanta sa mga opisyal ng PNP-ACG. Ipinakita umano ng mga banta ang intensiyon niyang pasabugin ang gusali ng kanilang tanggapan, bagay na ikinabahala ng mga awtoridad dahil sa posibleng panganib na maidulot nito sa publiko at sa kanilang hanay.
Sa interogasyon, inamin ng suspek na hindi niya sineryoso ang kanyang ginawa at ang tanging layunin lamang niya ay makakuha ng atensyon. Gayunman, nilinaw ng pulisya na hindi maaaring gawing biro ang ganitong uri ng banta lalo na kung ito ay ginagawa sa pamamagitan ng internet, dahil nagdudulot ito ng takot at pangamba.
Kasalukuyang nahaharap ang lalaki sa tatlong counts ng grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Itinakda ang piyansa sa halagang P36,000 kada kaso, o kabuuang P108,000 kung nanaisin ng akusado na pansamantalang makalaya habang dinidinig ang kaso.
Binigyang-diin ni Gen. Yang na patuloy na magbabantay ang kanilang tanggapan laban sa mga kahalintulad na insidente, at hinikayat ang publiko na iwasan ang pagbibiro o pagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon sa internet na maaaring magdulot ng banta sa seguridad ng mga tao at ng mga institusyon.
Dagdag pa niya, isang paalala ito na ang anumang aktibidad online na lumalabag sa batas ay agad nilang tinutugunan at may kaakibat na pananagutan.