Mga estudyante ng SLSU, nagprotesta laban sa korupsyon sa pamahalaan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-20 23:41:23
LUCBAN — Nagkaisa ang ilang progresibong mag-aaral ng Southern Luzon State University (SLSU) Main Campus upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa umiiral na korapsyon sa pamahalaan sa pamamagitan ng isang kilos-protesta noong Setyembre 19.
Bilang simbolikong pahayag, nagsabit sila ng mga balatengga sa footbridge ng unibersidad—isang malikhaing anyo ng protesta na layong ipakita ang bigat ng pasanin na dala ng katiwalian sa taumbayan. Ayon sa kanila, ang korapsyon ay hindi lamang isyu ng mga nasa posisyon kundi suliraning direktang nakakaapekto sa kinabukasan ng bawat Pilipino, lalo na ng mga kabataan.
Iginiit ng mga organisador na hindi magtatapos sa loob ng kampus ang kanilang paninindigan. Nakatakda rin silang lumahok sa “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon” sa darating na Setyembre 21 sa Maynila, kung saan inaasahang dadalo ang libo-libong kabataan, lider-estudyante, at iba’t ibang sektor upang manawagan ng pananagutan at reporma sa gobyerno.
Ayon sa mga lider-estudyante, ang kanilang pagkilos ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng kabataan para sa malinis, tapat, at makataong pamumuno. Dagdag pa nila, tungkulin ng kabataan na maging boses ng pagbabago at bantay laban sa katiwalian upang masiguro ang mas maayos na kinabukasan ng bansa. (Larawan: The Spark SLSU / Fb)