Cyber monitoring ng DICT naka-full alert para sa mga kilos-protesta na gaganapin sa Setyembre 21
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-20 19:26:30
Setyembre 20, 2025 - Naka-full alert na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ngayong Linggo, kasabay ng mga nakatakdang kilos-protesta laban sa mga umano’y anomalya sa flood control projects at iba pang isyu ng korapsyon sa pamahalaan.
Ayon kay DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, tinaasan nila ang antas ng pagbabantay sa digital space upang masiguro ang kaligtasan ng publiko laban sa posibleng online harm o cyber threat na maaaring magamit para makasira o makagulo sa isasagawang mga pagtitipon.
“Tulad ng naging karanasan noong halalan kung saan nakipag-ugnayan kami sa Commission on Elections, ngayon ay nagpatupad muli kami ng heightened monitoring upang matiyak na hindi maaabala ang malayang pamamahayag ng ating mga kababayan,” pahayag ng kalihim.
Kasama sa mga naka-deploy na hakbang ang pagbabantay ng Threat Monitoring Center ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), na tututok sa mga kahina-hinalang aktibidad online gaya ng maling impormasyon, disinformation, at posibleng hacking attempts.
Gayunpaman, nilinaw ni Aguda na base sa kasalukuyang monitoring, wala pa silang nakikitang seryosong banta sa cyberspace na may direktang kaugnayan sa mga kilos-protesta. Aniya, karamihan sa mga nakikitang post sa social media ay pawang panawagan para sa kapayapaan, pagkakaisa, at mapayapang pagpapahayag ng saloobin.
“Hindi natin kinokontra ang karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag. Ang nais lang ng DICT ay tiyakin na walang makakaperwisyo o gagamit ng digital platforms para guluhin ang mapayapang kilos-protesta,” dagdag pa ng kalihim.
Inaasahan na libo-libong katao ang dadalo sa iba’t ibang venue ng pagtitipon, kabilang ang Luneta, EDSA, at Liwasang Bonifacio, kung saan pangunahing ipapahayag ng mga raliyista ang kanilang panawagan para sa transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Tiniyak ng DICT na mananatili silang naka-full alert hanggang matapos ang mga aktibidad at sa mga susunod pang araw kung kinakailangan, bilang bahagi ng kanilang mandato na protektahan ang mga mamamayan laban sa anumang banta sa digital space.