Diskurso PH
Translate the website into your language:

MANIBELA magbibigay ng libreng sakay para sa Setyembre 21 protesta

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-20 16:12:07 MANIBELA magbibigay ng libreng sakay para sa Setyembre 21 protesta

MANILA — Maghahandog ng libreng sakay ang transport group na MANIBELA para sa mga dadalo sa malalaking kilos-protesta sa Linggo, Setyembre 21, na gaganapin sa Luneta Park at EDSA Shrine.


Ayon sa pahayag ng grupo nitong Biyernes, Setyembre 19, may itinalagang pickup points ang mga jeepney ng MANIBELA sa iba’t ibang lungsod ng Metro Manila at karatig-probinsiya upang makapagdala ng mga raliyista patungo sa dalawang pagtitipon.


Kabilang sa mga pickup points sa Metro Manila ang SM Fairview, Philcoa, Litex, Cubao LRT-2 Station, Welcome Rotonda, Blumentritt, Divisoria, Monumento, Alabang Starmall, at iba pang lugar sa Quezon City, Manila, Valenzuela, Marikina, San Juan, Caloocan, Pasig, Muntinlupa, Las Piñas, Pasay, Parañaque at Navotas.


Samantala, para sa mga dadalo mula sa labas ng Metro Manila, may nakalaang sakayan sa mga terminal sa Carmona, Biñan, Dasmariñas, Bacoor, Sta. Rosa, Cabuyao, Calamba, Antipolo, Taytay, Angono at Binangonan.


Batay sa abiso ng MANIBELA, magsisimula ang biyahe mula sa mga pickup points sa Metro Manila ng alas-5:00 ng umaga, habang alas-4:00 ng umaga naman ang alis ng mga jeepney mula sa labas ng Kalakhang Maynila.


Upang makasakay, pinayuhan ang mga raliyista na hanapin ang mga jeepney na may nakapaskil na karatula sa windshield na may nakasulat na: “All roads lead to Luneta, LIBRENG SAKAY,” kasama ang logo ng MANIBELA.


Dalawang malaking pagtitipon ang itinakda sa parehong araw: ang “Baha sa Luneta” sa Rizal Park na magsisimula ng alas-9:00 ng umaga, at ang “Trillion Peso March” sa EDSA People Power Monument na nakatakdang magsimula ng alas-2:00 ng hapon.


Ang mga kilos-protestang ito ay kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong Setyembre 21, 1972—isang petsang madalas na gawing sentro ng mga pagkilos laban sa awtoritaryanismo at katiwalian.