Martial law ugat ng malawakang korapsyon, matapang na sigaw ng ilang grupo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-21 12:15:07
SETYEMBRE 21, 2025 — Binatikos ng mga grupo ng biktima ng batas militar ang umano’y malawakang katiwalian sa mga proyektong pangkontrol ng baha, kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Ayon sa Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA), ang kasalukuyang eskandalo sa imprastruktura ay hindi bagong isyu kundi bahagi ng matagal nang sistemang korap na nagsimula pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
"Ang nangyayaring korapsyon ngayon ay tradisyong mauugat sa korapsyon noong Martial Law. Sino nga ba ang nuknukan sa pagkakorap kundi si Ferdinand Marcos Sr.?" pahayag ng grupo.
Tinukoy ng CARMMA ang tinaguriang “golden age of corruption” sa ilalim ng diktadurya, kung saan tinatayang $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang naipon ng pamilya Marcos sa mga tagong yaman sa ibang bansa, batay sa datos ng Philippine Commission on Good Government. Sa loob ng tatlong dekada, P170 bilyon pa lamang ang nababawi ng gobyerno.
Kasabay ng pahayag ng grupo, libu-libong mamamayan ang inaasahang lumahok sa mga kilos-protesta sa EDSA People Power Monument, Luneta Park, at iba pang lugar upang kondenahin ang umano’y pandarambong sa mga proyekto ng flood control.
Hindi rin kuntento ang mga grupo sa mga imbestigasyong isinasagawa ng pamahalaan. Para sa kanila, panandaliang solusyon lamang ito upang patahimikin ang galit ng publiko. Nanawagan sila ng aktwal na pagpapakulong sa mga sangkot at pagbawi ng mga pondong nakuha sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Samantala, kinondena rin ng grupong Kapatid, binubuo ng mga bilanggong pulitikal, ang bagong eskandalo bilang “plunder on a martial law scale.” Iginiit nilang hindi simpleng pagnanakaw ang nangyari kundi sistematikong pag-abuso sa kapangyarihan.
Tinukoy ng grupo ang P51 bilyong pondo para sa flood control na napunta sa distrito ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte mula 2019 hanggang 2021 bilang isang halimbawa ng matinding pag-abuso.
“President Marcos Jr., who signed both the national budget and unprogrammed allocations, must also be held accountable,” giit ng grupo.
(Dapat ding panagutin si Pangulong Marcos Jr. na pumirma sa pambansang budget at mga hindi nakaprogramang alokasyon.)
Nanawagan ang mga grupo ng mas malawak at organisadong kilusan laban sa korapsyon, na anila’y hindi lamang usapin ng pamamahala kundi paraan ng panunupil sa mamamayan.
(Larawan: YouTube)
