Global Youth Summit 2025, dinaluhan ng mahigit 40, 000 na kabataan mula sa iba’t-ibang panig ng bansa
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-23 23:57:14
MANILA — Nagtala ng makasaysayang bilang ang Global Youth Summit (GYS) 2025 matapos magtipon ng mahigit 40,000 kabataang lider, innovator, at advocate mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Isinagawa ito nang sabay-sabay sa 17 SM malls sa Luzon, Visayas, at Mindanao, sa pangunguna ng SM Cares, ang corporate social responsibility arm ng SM Supermalls, katuwang ang Global Peace Foundation (GPF) Philippines.
Sa loob ng summit, pinagtibay ang kolektibong boses ng kabataan sa pamamagitan ng mga talakayan, keynote sessions, at collaborative activities na tumuon sa empowerment, sustainability, innovation, at leadership.
“Ang kabataan ay hindi lamang mga lider ng kinabukasan—sila mismo ang puwersa ng pagbabago ngayon. Patunay ang Global Youth Summit kung ano ang kayang mangyari kapag binigyan sila ng kapangyarihan at pagkakataon,” pahayag ni Royston Cabunag, Program Director ng SM Cares para sa Children and Youth.
Dagdag naman ni Leonard Faustino, Executive Director ng GPF Philippines:
“Sa pamamagitan ng kolaborasyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao, nalikha ang isa sa pinakamalaking youth platforms sa bansa. Ang GYS ay patunay na kapag binigyan ng espasyo at suporta, kayang manguna ng kabataan sa makabuluhang pagbabago.”
Bawat isa sa 17 provincial legs ng summit ay nakatuon sa tig-isang United Nations Sustainable Development Goal (SDG), na nagbigay-diin sa lokal na solusyon at mga proyektong nakahanay sa pandaigdigang layunin.
Sa pamamagitan ng pagbibigay-lakas sa higit 40,000 kabataang Pilipino, muling pinagtibay ng SM Cares at GPF ang kanilang panata para sa inclusivity, accessibility, at makabuluhang partisipasyon ng kabataan.
Ang Global Youth Summit 2025 ay kinikilalang isa sa pinakamalaking youth movements sa bansa, nagbubuklod ng mga tinig na huhubog sa kinabukasan ng Pilipinas. (Larawan: Adobo Magazine)