‘Karapatan ng mga mag-aaral na magprotesta laban sa korapsyon’ — CHED
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-23 23:45:29
MANILA — Binibigyang-diin ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi kailanman dapat patahimikin, takutin, o gipitin ang mga estudyante na tumitindig laban sa korapsyon. Kasabay ng paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang mamamayang nagpapahayag ng kanilang saloobin, iginiit ng CHED na may buong karapatan ang kabataan na manawagan ng pananagutan at mabuting pamamahala, lalo na sa harap ng malalaking isyu ng katiwalian na kinakaharap ng bansa.
Mariing kinokondena ng CHED ang lahat ng anyo ng korapsyon at kinikilala ang galit at pagkadismaya ng mamamayan, partikular ng kabataan, na nagtutulak upang sila’y magprotesta. Dapat igalang ang kanilang karapatang magsalita, basta’t ito ay ginagawa sa loob ng saklaw ng batas.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng ahensya ang mga mag-aaral na maging mapanuri laban sa disinformation. Nilinaw ng CHED na taliwas sa mga maling balita, hindi nito iniutos ang pagdalo ng mga estudyante sa mga kilos-protesta; ang kanilang pagsali ay nakabatay sa sariling pagpapasya. Tiwala ang CHED na bilang mga kritikal na nag-iisip na hinubog ng mas mataas na edukasyon, magagamit ng kabataan ang kanilang tamang paghusga.
Inaasahan din ng CHED na ang mga Higher Education Institutions (HEIs) ay poprotekta sa kanilang mga estudyante, agad na tutugon sa anumang banta, at magbibigay ng suporta sa mga posibleng maging target.
Ipinauubaya ng CHED sa mga kaukulang ahensya ang usapin ng monitoring at intelligence gathering, at may buong tiwala sa pulisya at militar na isakatuparan ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad—nang may ganap na pagrespeto sa karapatan ng mga estudyanteng pumipiling magpahayag ng kanilang saloobin sa paraang legal.
Naninindigan ang CHED kasama si Pangulong Marcos, ang kabataang Pilipino, at ang buong sektor ng mas mataas na edukasyon sa laban kontra korapsyon. Ang tinig ng mga estudyante ay hindi lamang dapat pakinggan kundi ipagtanggol, sapagkat sila ang mahalagang katuwang sa pagtataguyod ng isang makatarungan, tapat, at malinis na Pilipinas. (Larawan: CHED / Fb)