LET watcher sa Davao, nahuling kumukuha ng mga larawan ng test questions at binebenta umano ng P10,000 sa mga review centers
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-23 23:37:13
DAVAO CITY — Arestado ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation–Southeastern Mindanao Regional Office (NBI-Semro) ang isang aktibong guro mula sa kilalang institusyong pang-akademiko sa lungsod matapos mahuling kumukuha ng litrato ng test questions sa ginanap na Licensure Examination for Teachers (LET) nitong Linggo, Setyembre 21, sa Davao City National High School.
Ayon sa Professional Regulation Commission (PRC), nahuli ang suspek habang kinukuhanan ng larawan ang ilang bahagi ng pagsusulit at umano’y ipinapadala ito sa ilang review center kapalit ng halagang ₱10,000.
Kinumpirma ng PRC na ang guro ay kakasuhan ng administrative cases at posibleng managot din sa paglabag sa Republic Act 8981, na mahigpit na nagbabawal sa anumang hindi awtorisadong pagkuha o pagpapakalat ng materyales sa pagsusulit.
“This incident undermines the integrity of the licensure examination process, which we are committed to safeguarding,” pahayag ng PRC.
Ito ang kauna-unahang kaso sa Davao Region kung saan isang kontratadong watcher ng LET ang naaresto dahil sa pag-leak ng exam questions. Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng mas malalim na imbestigasyon ang NBI upang alamin kung may pananagutan din ang mga review center na tumanggap umano ng nasabing materyales.
Tiniyak ng PRC at NBI na mananatili nilang protektado ang kredibilidad at integridad ng LET at iba pang licensure examinations sa bansa, at sinumang lalabag ay papanagutin sa buong bigat ng batas. (Larawan: Sunstar Davao / Fb)