Putol na braso, natagpuan sa ilalim ng isang tulay sa Lucena City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-24 01:16:55
LUCENA CITY – Isang nakakakilabot na tagpo ang muling nagpaalarma sa mga residente matapos matagpuan ang isang putol na braso sa ilalim ng tulay na nakasakop sa pagitan ng mga Barangay Mayao Castillo at Mayao Parada.
Ayon sa ulat, isang residente ang nakakita ng naturang bisig habang dumaraan sa lugar at agad itong iniulat sa mga awtoridad. Kaagad namang rumesponde ang pulisya at mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang kunin ang ebidensya at isailalim ito sa masusing pagsusuri.
Hanggang sa ngayon, hindi pa tukoy kung kanino ang naturang bahagi ng katawan. Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa putol na paa na una nang natagpuan sa ilalim ng tulay sa Diversion Road, Barangay Gulang-Gulang, Lucena, ilang araw lamang ang nakalipas.
Patuloy ang imbestigasyon at forensic validation upang malaman kung ang mga natagpuang bahagi ng katawan ay mula sa iisang biktima, at kung may kaugnayan ito sa posibleng kaso ng karumal-dumal na krimen.
Samantala, nananawagan ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at agad magbigay ng impormasyon kung sakaling may mga nawawalang kaanak o nakapansin ng kahina-hinalang aktibidad sa lugar.
Ang insidente ay nagdulot ng pangamba at takot sa mga residente ng Lucena, na umaasa ngayon na agad mabibigyang-linaw ang misteryo sa likod ng sunod-sunod na natatagpuang bahagi ng katawan sa lungsod. (Larawan: Google)