Cong. Leviste, isinusulong ang dagdag na ₱15-bilyong budget para sa SUCs
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-24 00:27:37
MANILA — Isinusulong ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste ang karagdagang ₱15 bilyon na pondo para sa mga state universities and colleges (SUCs) upang matiyak ang ganap na pagpapatupad ng Free Higher Education Act, na nagbibigay ng libreng matrikula at iba pang bayarin sa mga estudyanteng Pilipino.
Sa kanyang pagbisita sa Batangas State University (BSU), nakipagpulong si Leviste kay Dr. Tirso Ronquillo, pangulo ng BSU at ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), upang talakayin ang lumalalang problema ng kakulangan sa pondo. Dumalo rin sina ilang opisyal ng PASUC at Senador Loren Legarda, bagong chairperson ng Senate Committee on Higher Education, upang maghanap ng konkretong solusyon.
Ayon kay Leviste, na Vice-Chairman ng House Committee on Appropriations, hindi sapat ang kasalukuyang pondo para tugunan ang aktwal na bilang ng mga estudyante dahil ang batayan pa rin ng gobyerno ay mga luma at mas mababang datos ng enrollment. Dahil dito, tinatayang aabot sa ₱15 bilyon ang kakulangan para sa taong 2026, matapos ang sunod-sunod na taon ng underfunding na umabot na sa kabuuang ₱12 bilyon.
Dahil sa sitwasyong ito, napilitan ang ilang SUC na bawasan ang bilang ng kanilang tinatanggap na estudyante at ipagpaliban ang ilang mga proyektong pang-imprastruktura at serbisyong pang-edukasyon.
“Ang mismong layunin ng Free Higher Education Act ay natatabunan kapag kulang ang suporta ng gobyerno. Kailangang punan ang kakulangan sa pondo upang mas marami pang kabataan ang makapasok sa kolehiyo,” giit ni Leviste.
Bahagi ng kanyang inisyatibo ang pangangalap ng updated na datos mula sa mga SUC upang mas mapatibay ang panukala. Pinag-aaralan din umano ang posibleng pag-realign ng pondo mula sa ibang ahensya, kabilang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), para masiguro ang sapat na pondo para sa edukasyon.
Sa kanyang pagdalo sa ika-22 anibersaryo ng BSU Lemery, muling iginiit ni Leviste na panahon na upang ayusin ang pagkukulang sa nakalipas na mga taon at tiyaking maibalik sa tamang landas ang ganap na pagpapatupad ng Free Higher Education Act. (Larawan: Leandro Leviste / Fb)