Pamilyang taga-Baguio, patay sa pamamaril sa Batangas dahil umano sa depresyon?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-24 00:17:15
CUENCA, BATANGAS — Trahedya ang sumalubong sa mga awtoridad sa Sitio Lumampao, Barangay Don Juan, Cuenca nitong Lunes matapos matagpuang patay ang tatlong miyembro ng isang pamilya na pawang naliligo sa sariling dugo.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima bilang isang 33-anyos na ama, ang kanyang asawa, at ang kanilang sampung taong gulang na anak na lalaki. Lahat sila ay nagtamo ng tama ng bala sa ulo.
Ayon kay Mayor Alex Magpantay, batay sa inisyal na imbestigasyon at impormasyon mula sa mga kapitbahay, matagal nang nakararanas ng matinding depresyon ang padre de pamilya. Pinaniniwalaang ito ang nagtulak sa kanya upang barilin ang kanyang asawa at anak bago tuluyang kitilin ang sariling buhay.
Nang datnan ng mga awtoridad, wala nang buhay ang tatlo at nagkalat ang dugo sa loob ng kanilang tahanan. Agad ding nakumpiska ang ginamit na baril sa insidente.
Lubos na ikinagulat ng mga kapitbahay ang pangyayari at nagsilbing paalala ito sa kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa mental health. Nagpaabot naman ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Cuenca sa mga kaanak ng pamilya at tiniyak na handa silang magbigay ng tulong, lalo na sa aspeto ng kaukulang imbestigasyon at suporta sa mga naiwan.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Cuenca Municipal Police Station upang ganap na matukoy ang buong detalye ng insidente. (Larawan: Google)