Mga bahay, nasira sa pananalasa ng buhawi sa Olongapo
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-24 00:08:23.jpg)
OLONGAPO CITY — Nagdulot ng matinding pinsala ang buhawi na tumama sa lungsod nitong Martes ng hapon, Setyembre 23, 2025, kung saan ilang kabahayan ang nawalan ng bubong at nasira ang mga kagamitan ng mga residente.
Pinakamatindi ang tama ng buhawi sa Barangay East Bajac-Bajac, partikular sa 20th Street at Lapu-Lapu Street, kung saan tatlong bahay ang iniwan nitong wasak ang mga bubong. Dahil dito, nabasa ng ulan ang mga gamit ng mga residente habang ilang piraso ng yero ay nagliparan at lumambitin pa sa mga kawad ng kuryente, na nagdulot ng takot sa mga naninirahan sa lugar.
Sa Barangay New Kalalake, ilang kabahayan sa Kessing Street ang nakaranas din ng pinsala, bagama’t patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong bilang ng mga naapektuhan.
Ayon sa mga nakasaksi, nagsimula ang buhawi sa ilalim ng isang tulay bago ito lumakas at mabilis na nanalasa sa mga kabahayan. Mabuti na lamang at walang naiulat na sugatan o nasawi sa insidente.
Agad namang nagtungo sa mga apektadong lugar si Mayor Lenj Paulino, kasama si Barangay Captain Erna Manalang, upang personal na kumustahin ang mga residente at magbigay ng tulong. Nagpahayag din ang lokal na pamahalaan ng kanilang kahandaan na magbigay ng relief assistance sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
Patuloy ang monitoring ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang karagdagang insidente. (Larawan: Julia Barrera Gando / Fb)