Padilla, sinita ang ‘bend the law’ argumento ni Tulfo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-24 09:25:49
SETYEMBRE 24, 2025 — Nagpahayag ng matinding pagtutol si Senador Robin Padilla sa kontrobersyal na pahayag ni Senador Erwin Tulfo na minsan ay kailangang baluktutin ang batas upang mapasaya ang taumbayan. Ginawa ni Padilla ang kanyang pahayag sa plenaryo ng Senado matapos ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga iregularidad sa mga flood control project.
Sa nasabing pagdinig, tinalakay ang posibilidad na maibalik muna ang umano’y nakurakot na pondo bago payagang mapasama sa witness protection program ang mga sangkot. Bagamat iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maaaring hilingin ito bilang tanda ng sinseridad, sinabi ni Tulfo na ang panawagan ng publiko ay malinaw — ibalik ang pera.
“Sometimes you have to bend the law in order to please the people,” ani Tulfo, kasabay ng pagbanggit sa mga protesta noong Setyembre 21 na humihiling ng hustisya at pagbawi ng ninakaw na yaman.
(Minsan kailangan mong baluktutin ang batas para mapasaya ang taumbayan.)
Hindi ito pinalampas ni Padilla. Aniya, delikado ang ganitong pananaw lalo na sa mga lugar na matagal nang isinusulong ang kapayapaan gaya ng Mindanao.
“Nais ko lamang magpahayag ng aking saloobin hinggil po sa ilang mga pahayag sa pagdinig po ng Blue Ribbon Committee kaninang umaga na lubhang nakakabahala na tila nagpaparating na maari nating isantabi ang umiiral na batas upang magbigay daan sa ikasisiya ng taumbayan,” pahayag ni Padilla.
Dagdag pa niya, ang batas ay hindi dapat isantabi kahit pa malakas ang sigaw ng masa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng due process at ang panganib ng pagtakbo ng gobyerno batay lamang sa emosyon ng publiko.
“Kailangan po dumaan tayo sa proseso. Ang ating Saligang Batas ay malinaw na nagsasabi na may due process. Kung ang argumento natin ay makikinig tayo sa sinasabing ‘Ngayon na, Ngayon na,’ ay teka muna po, ay marami pong maliligaw,” babala ni Padilla.
Sa huli, nanindigan si Tulfo na dapat isauli ng mga kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya ang umano’y kinamkam nilang pera kung nais nilang maging state witness.
“Ang sinasabi ko lang po, ito ay malinaw na ang sinisigaw ng mga kababayan natin ay isauli. That’s my own opinion, Mr. President, we have to return it,” giit ni Tulfo.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)