Diskurso PH
Translate the website into your language:

Suspek sa pananaksak ng binatilyong nag rarally sa Recto, kusang loob na sumuko

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-24 16:46:02 Suspek sa pananaksak ng binatilyong nag rarally sa Recto, kusang loob na sumuko

Setyembre 24, 2025 – Kusang-loob nang sumuko sa mga awtoridad ang 52-anyos na lalaki na itinuturong responsable sa pagpaslang sa isang 15-anyos na binatilyo sa kasagsagan ng anti-corruption rally sa Mendiola, Maynila noong Linggo, Setyembre 21.


Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), nag-ugat ang insidente sa kaguluhan sa gitna ng demonstrasyon, kung saan nagsimula ang gulo matapos umanong masira ang ilang ari-arian sa lugar. Dito na naharap ang suspek sa biktima at nagresulta sa pananaksak.


“Nagalit na ako kasi marami na silang binabasag… Nablangko na ako,” paliwanag ng suspek sa panayam, sabay sabing handa na siyang harapin ang kaso laban sa kanya.


Agad na naisugod sa ospital ang binatilyo ngunit idineklarang patay makalipas ang ilang oras. Sa kabila ng paglaban ng mga doktor, hindi na nailigtas ang kanyang buhay.


Sa isang pahayag, kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagsuko ng suspek at ang pagsasara ng kaso laban dito. “Naresolba na natin ang kasong ito. Ang suspek ay sumuko at handang harapin ang pananagutan sa kanyang nagawang kasalanan, na naging dahilan ng pagkawala ng buhay ng isang bata. Ngayon ay pananagutan niya ito sa harap ng batas,” ani Moreno.


Dagdag pa ng alkalde, bagama’t iginagalang ng lungsod ang karapatan ng lahat na magpahayag, hindi dapat idamay ang mga inosenteng mamamayan sa mga pagkilos. “Malaya kayong magpahayag dito sa Lungsod ng Maynila. Ngunit bilang inyong Punong Lungsod, ang pakiusap ko: huwag ninyong idamay ang mga kapwa ninyo na lumalaban nang patas. Huwag ninyong gambalain ang buhay ng mga taong payapang namumuhay dito sa Maynila,” dagdag ng alkalde.


Patuloy na inihahanda ng MPD ang kasong homicide laban sa suspek, habang nakikiramay naman ang pamahalaang lungsod sa pamilya ng nasawing menor de edad.


Larawan: Sef Robrigado/Manila Public Information Office