Alternative route sa nasirang tulay sa Laurel, Batangas hindi madaraanan dahil sa pagtaas ng tubig
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-26 13:03:19
Laurel, Batangas — Pansamantalang isinara sa mga motorista at residente ang itinayong alternative route sa nasirang tulay sa bayan ng Laurel, matapos bahain dulot ng walang tigil na pag-ulan mula sa hanging habagat na pinalakas pa ng bagyong Opong.
Ayon sa ulat, mabilis na tumaas ang lebel ng tubig sa lugar bunsod ng halos magdamagang buhos ng ulan, dahilan upang hindi na ligtas daanan ang nasabing ruta. Ang naturang kalsada ang nagsilbing pansamantalang daan matapos masira ang pangunahing tulay sa bayan noong kasagsagan ng bagyong Kristine.
Personal na nagtungo sa lugar si Mayor Lyndon Masicat Bruce upang masaksihan ang nakakalungkot na sitwasyon. Kasama niya ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan upang masuri ang kalagayan at makapaglatag ng agarang tugon para sa mga apektadong residente.
“Malaki ang hamon na kinakaharap ng ating bayan sa ngayon. Hindi lamang sa pinsalang dulot ng mga bagyo kundi pati na rin sa kaligtasan at pang-araw-araw na pangangailangan ng ating mga kababayan. Sisikapin nating makahanap ng mga paraan upang mapagaan ang kanilang dinaranas,” pahayag ng alkalde.
Samantala, ipinatutupad na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng publiko, kabilang na ang paglalagay ng mga babala at pagbabantay ng mga tauhan sa lugar. Pinapayuhan din ang mga motorista at residente na gumamit ng mga alternatibong ruta sa kalapit bayan habang isinasagawa ang masusing pagmomonitor sa sitwasyon.
Ang nasirang tulay sa Laurel ay nagsisilbing mahalagang koneksyon patungo sa iba pang barangay at karatig na bayan, kaya’t malaking epekto ang idinulot ng pagkakasira nito sa daloy ng kalakalan at transportasyon ng mga mamamayan.
Dahil dito, nananawagan ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaukulang ahensya para sa agarang aksyon at karagdagang pondo sa pagkukumpuni ng tulay at pagpapahusay ng mga pansamantalang ruta.
Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang lagay ng panahon, at nakaantabay ang mga tauhan ng bayan para sa posibleng evacuation kung sakaling magpatuloy ang pagbaha at lumala pa ang kalagayan.
larawan/Brigada Batangas