Bayanihan sa gitna ng bagyo — San Luis RHU, tuloy ang serbisyo publiko
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-26 22:04:14
BATANGAS — Sa kabila ng matinding ulan at malalakas na hangin na dala ng Severe Tropical Storm Opong, patuloy ang walang humpay na paglilingkod ng mga frontliners ng pamahalaang lokal ng San Luis, partikular na ang mga kawani ng San Luis Rural Health Unit (RHU).
Hindi alintana ng ating mga health workers ang pagod at panganib, nanatili silang naka-duty nang 24 oras sa ating health center upang masiguro ang agarang tugon sa lahat ng nangangailangan ng medikal na atensyon.
Bilang bahagi ng kanilang serbisyo, nagsagawa rin sila ng serye ng pagbisita sa iba’t ibang evacuation centers sa bayan. Dito, namahagi sila ng mga gamot, hygiene kits, at jerry cans, at nagsagawa ng medical check-ups upang mabantayan ang kalusugan ng mga pamilyang pansamantalang inilikas. Layon ng mga hakbang na ito na maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit at iba pang emergency sa panahon ng kalamidad.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang pamahalaang lokal sa lahat ng tumulong—mula sa mga kawani ng munisipyo, barangay officials, barangay tanod, BHWs, BNS, volunteers, hanggang sa iba’t ibang frontliners—na nagsakripisyo ng oras at lakas para sa kapakanan ng komunidad.
“Sa panahon ng sakuna, mahalaga ang pagkakaisa. Sama-sama tayong magtulungan at magdasal para sa mabilis na paghupa ng bagyo,” pahayag ng lokal na pamahalaan. (Larawan: San Luis, Batangas - MIO / Facebook)