Diskurso PH
Translate the website into your language:

Co, sumagot sa revocation ng travel clearance: ‘Prejudged na ako!’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-26 16:25:05 Co, sumagot sa revocation ng travel clearance: ‘Prejudged na ako!’

MANILA — Sinagot ni Ako Bicol party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co ang kautusan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na i-revoke ang kanyang travel clearance sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng flood control projects at umano’y budget insertions. Sa isang liham na may petsang Setyembre 25, iginiit ni Co na ang hakbang ay “politically driven” at isang uri ng “prejudgment” sa kanyang pagkatao.

Ayon kay Co, may intensyon siyang bumalik sa Pilipinas upang harapin ang mga paratang sa tamang forum. “I have every intention of returning to the Philippines. I am also intent on belying the false claims made against me before the proper forum,” aniya. 

Gayunman, ipinahayag niya ang pangamba sa pagbabalik dahil sa umano’y paghatol sa kanya ng publiko at ng Kamara. “I am very much apprehensive about what awaits me… given that the public and your good office have prejudged me,” dagdag pa niya.

Tinukoy ni Co ang apat na alegasyong ibinabato sa kanya: una, na siya ay gumawa ng insertions sa Bicameral Report at 2025 General Appropriations Act; ikalawa, na ang kanyang pamilya ay may-ari ng eroplanong ginamit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte patungong The Hague; ikatlo, na humiling siya ng fish import allocation para sa ZC Victory Fishing Corp.; at ikaapat, na tumanggap siya ng kickbacks mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways. 

Mariin niyang itinanggi ang lahat ng ito at iginiit na wala siyang natanggap na pondo mula sa mga proyekto ng DPWH. “I received no funds in connection with DPWH projects,” giit ni Co, at idinagdag na ang GAA ay dumaan sa collegial process ng Senado at Kamara.

Sa kanyang tugon, nilinaw ni Speaker Dy na ang revocation ay hindi prejudgment kundi isang hakbang upang harapin ni Co ang mga akusasyon. “The revocation of your travel clearance should not be construed as prejudgment, but as a necessary opportunity to answer the allegations against you directly and in the proper forum,” ani Dy. 

Binigyan si Co ng sampung araw mula Setyembre 18 upang bumalik sa Pilipinas, o hanggang Setyembre 29. “Failure to comply shall be construed as a refusal to subject yourself to the lawful processes of the House,” babala ni Dy, na nagsabing may nakabinbing reklamo laban kay Co sa House Committee on Ethics.

Batay sa mga ulat, si Co ay dumating sa New York noong Agosto 26, ngunit umalis noong Setyembre 13. May tala rin ng paglalakbay niya sa Singapore at Dubai, at posibleng patungong Spain. Patuloy ang pagtutok ng Kamara sa isyu habang inaasahan ang pagharap ni Co sa mga akusasyon sa mga susunod na araw.