Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOJ, hihiling ng Interpol 'blue notice' para matunton si Zaldy Co

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-26 17:51:03 DOJ, hihiling ng Interpol 'blue notice' para matunton si Zaldy Co

SETYEMBRE 26, 2025 — Inihayag ng Malacañang na maghahain ng kahilingan ang Department of Justice (DOJ) sa Interpol upang maglabas ng “blue notice” laban kay Ako Bicol Representative Zaldy Co, na kasalukuyang nasa labas ng bansa.

“Latest from DOJ — they will request for blue notice,” ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro nitong Biyernes, Setyembre 26. 

(Pinakabagong balita mula sa DOJ — maghahain sila ng kahilingan para sa blue notice.)

Layunin ng blue notice na mangalap ng impormasyon ukol sa pagkakakilanlan, kinaroroonan, o aktibidad ng isang indibidwal na may kaugnayan sa imbestigasyong kriminal. Sa kaso ni Co, ito ang magiging susi upang matunton ang kanyang lokasyon habang iniimbestigahan ang umano’y anomalya sa pondo ng imprastruktura.

Si Co ay iniugnay ni dating DPWH Bulacan First District Engineering Office Head Henry Alcantara sa sinasabing multi-bilyong pisong komisyon mula sa mga proyekto sa Bulacan. 

Ayon kay Alcantara, may 426 proyekto mula 2022 hanggang 2025 na may kabuuang halagang ₱35.024 bilyon, kung saan lumobo ang bahagi ng mga kaalyado ni Co mula 20% hanggang 25%, depende kung isinisingit ang proyekto sa NEP, Bicam, o Unprogrammed Appropriations.

Kinumpirma ng Kamara na lumipad patungong Estados Unidos si Co para sa gamutan. Ngayon, base sa mga ulat, siya naman ay nasa Espanya na. Gayunpaman, nananatiling epektibo ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa kanya.

Sa gitna ng mga alegasyon, iginiit ng DOJ ang pangangailangang matukoy ang kinaroroonan ni Co upang maisulong ang imbestigasyon. Inaasahang makatutulong ang Interpol blue notice sa pagkalap ng impormasyon mula sa mga bansang kasapi ng organisasyon.

(Larawan: Philippine News Agency)