DOJ inilabas ang mga personalidad na kakasuhan; Romualdez, Binay wala sa listahan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-26 16:25:07
MANILA — Isinapubliko ng Department of Justice (DOJ) ang opisyal na listahan ng mga personalidad na inirerekomendang kasuhan kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa listahang inilabas nitong Biyernes, Setyembre 26, kapansin-pansing wala ang pangalan ni House Speaker Martin Romualdez at Makati Mayor Nancy Binay, sa kabila ng mga naunang testimonya na nag-uugnay sa kanila sa kontrobersya.
Ayon sa DOJ, ang rekomendasyon ay batay sa mga sinumpaang salaysay nina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, Engineer Henry Alcantara, Engineer Brice Hernandez, at Engineer Jaypee Mendoza, na isinumite sa DOJ at National Bureau of Investigation (NBI). Ang mga testimonya ay nagsiwalat ng umano’y sistematikong paglalagay ng pondo sa mga ghost projects at kickback schemes mula 2022 hanggang 2025.
Kabilang sa mga personalidad na isasailalim sa case build-up ng National Prosecution Service (NPS) ay sina Senator Francis “Chiz” Escudero, Senator Joel Villanueva, Senator Jinggoy Estrada, Congressman Zaldy Co, dating Senator Bong Revilla, dating Congressman Onyx Crisostomo, Undersecretary Mitzie Cajayon-Uy, at Atty. Maynard Ngu. Kasama rin sa listahan ang ilang pribadong indibidwal at mga miyembro ng pamilya Castillo, na pinangalanan sa mga affidavit bilang bahagi ng mga transaksyong may kaugnayan sa flood control funds.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOJ: “Let it be clear: inclusion in the NBI’s recommendation is not a matter of speculation or rumor. It is the result of sworn testimony under oath.” Dagdag pa ng ahensya, “No one is above the law, and no position, title, or influence will shield anyone from accountability.”
Ipinaliwanag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga pangalan na wala sa mga sinumpaang salaysay ay hindi pa kinikilala ng DOJ o NBI. “If names have circulated outside of these affidavits, those are not recognized by the DOJ or the NBI until such time that they are sworn to under proper proceedings,” ani Remulla.
Sa kabila ng testimonya ni Orly Guteza, isang dating security consultant ni Co, na nagsabing personal siyang naghatid ng pera sa mga tirahan nina Co at Romualdez, hindi pa ito kinikilala ng DOJ bilang opisyal na ebidensya. Hindi rin dumalo si Guteza sa nakatakdang pagpupulong sa DOJ upang pormal na isumite ang kanyang affidavit.
Patuloy ang case build-up ng DOJ, at inaasahang magsusumite pa ng karagdagang ebidensya ang Independent Commission on Infrastructure (ICI), na itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa flood control scam.