Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOTr: Full refund at no rebooking fee para sa pasaherong stranded kay Opong

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-26 16:25:08 DOTr: Full refund at no rebooking fee para sa pasaherong stranded kay Opong

MANILA — Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng airline companies na magbigay ng buong refund at iwaksi ang rebooking at iba pang bayarin para sa mga pasaherong naapektuhan ng mga kanseladong biyahe bunsod ng Bagyong Opong, ayon sa direktiba ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez nitong Biyernes.

Sa gitna ng malawakang flight cancellations sa Luzon at Visayas, sinabi ni Lopez na dapat walang dagdag na pasanin sa mga pasahero. “Dapat wala nang rebooking fees at dapat waived na rin ang other fees, and kung ang option ng ating pasahero is to refund, dapat full refund,” pahayag ni Lopez sa isang press briefing. 

Dagdag pa niya, “Ipinag-utos na rin natin sa Civil Aeronautics Board na ang ating mga airlines dapat kumontak na sa kanilang mga pasahero, para ipaalam kung ang kanilang mga flights ay kanselado o hindi.”

Ayon sa ulat, mahigit dalawampung domestic flights ang kinansela noong Setyembre 26 dahil sa masamang panahon dulot ng Severe Tropical Storm Opong, na tumama sa mga isla ng Sibuyan at Tablas sa Romblon at patuloy na kumikilos patungong Mindoro.

Bukod sa refund at rebooking policies, inatasan din ni Lopez ang mga airport at port managers na tiyaking may sapat na pagkain, inumin, at masisilungan para sa mga stranded na pasahero. 

“Dapat bukas ang ating mga airport para may masisilungan ang ating mga pasahero just in case na mastranded ang ating mga pasahero at mayroon din tayong mga pagkaing available,” aniya.

Samantala, ipinatupad na rin ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) ang “no sail policy” sa mga daungan upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa dagat. Ayon sa DOTr, mahigit 5,600 Coast Guard personnel, 166 rescue boats, at 122 land vehicles ang na-deploy sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo.

Ang direktibang ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may agarang tulong at proteksyon para sa mga mamamayang apektado ng kalamidad. Patuloy ang koordinasyon ng DOTr sa mga ahensya tulad ng Philippine Ports Authority (PPA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa distribusyon ng ayuda sa mga pantalan.