Pilipinas, nangunguna sa WorldRiskIndex 2025 bilang pinaka-disaster-prone na bansa
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-26 14:39:23
SETYEMBRE 26, 2025 — Lumabas sa pinakahuling ulat ng WorldRiskIndex 2025 na ang Pilipinas ang may pinakamataas na panganib sa sakuna sa buong mundo, batay sa kombinasyon ng exposure sa natural na kalamidad at kahinaan ng imprastruktura. Ayon sa ulat ng Bündnis Entwicklung Hilft at Ruhr University Bochum mula Germany, pumalo sa 46.56 ang risk score ng bansa — pinakamataas sa 193 bansa.
Kasama sa top 15 ang India (40.73), Indonesia (39.80), Colombia (39.26), Mexico (38.96), Myanmar (36.91), Mozambique (34.39), Russia (31.22), China (30.62), Pakistan (26.82), Bangladesh (26.71), Papua New Guinea (26.51), Vietnam (25.92), Peru (25.81), at Somalia (24.89).
Binanggit sa ulat na ang Pilipinas ay “characterized by high geographic fragmentation and high exposure to weather-related extremes” (may matinding pagkakawatak-watak sa heograpiya at mataas na antas ng pagkakalantad sa matitinding kalamidad na may kaugnayan sa panahon).
Partikular na binigyang-diin ang panganib ng pagbaha sa mga lugar na mababa ang lupa, siksikan ang populasyon, at kulang sa maayos na drainage system.
Nangunguna sa listahan ng mga probinsyang pinaka-exposed sa river at coastal flooding: Cagayan (88.10), Agusan del Norte (87.51), Pangasinan (85.19), Pampanga (83.49), at Maguindanao (82.94). Kasama rin sa top 10 ang Metro Manila (81.12), Camarines Sur (75.77), Misamis Oriental (73.66), Camarines Norte (72.69), at Isabela (71.23).
Pitong probinsya sa listahang ito ay nasa Luzon, habang tatlo ay nasa Mindanao. Ayon sa ulat, ang mga lugar na ito ay nasa “lowland basins with flat topography, where water drains slowly and often remains standing for days” (mababang lugar na patag ang lupa, mabagal ang pagdaloy ng tubig, at madalas nananatili ito ng ilang araw).
Binanggit din ang Metro Manila at Laguna bilang halimbawa ng epektibong urban planning na nakatutulong sa pagbawas ng panganib. Sa kabilang banda, ang lungsod ng Maynila ay madaling bahain tuwing malakas ang ulan dahil sa selyadong lupa ng mga kalsada.
Kasabay ng paglabas ng ulat, iniimbestigahan ng pamahalaan ang mga iregularidad sa mga flood control project sa bansa. Ayon sa Department of Public Works and Highways, posibleng umabot sa trilyong piso ang nawawalang pondo dahil sa mga proyektong “ghost” o substandard.
“Flood risks are increasing due to climate change and human interference with natural systems,” ayon pa sa report.
(Lalong tumitindi ang panganib ng pagbaha dahil sa pagbabago ng klima at pakikialam ng tao sa likas na sistema.)
(Larawan: PIA - Philippine Information Agency)