Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rep. Tinio, binanatan ang AMLC: ‘inutil’ sa pagsugpo ng flood control scam

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-26 17:49:17 Rep. Tinio, binanatan ang AMLC: ‘inutil’ sa pagsugpo ng flood control scam

SETYEMBRE 26, 2025 — Binatikos ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa gitna ng deliberasyon sa P6.793-trilyong panukalang pambansang budget para sa 2026, matapos mabunyag ang umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control project na pinondohan ng gobyerno.

Sa plenary debate noong Setyembre 25, tinawag ni Tinio na “inutil” ang AMLC dahil sa kabiguang matukoy ang kahina-hinalang paggalaw ng pera sa mga tinaguriang “ghost” projects.

“Ang punto ko po, inutil ang AMLC sa kasong ito. Sorry po, pasensya napo kung masakit ang sinasabi ko,” ani Tinio. 

Ayon sa mambabatas, may contractor na umano’y nagwi-withdraw ng P100 milyon sa isang bagsakan — cash, hindi electronic transfer. 

“Sino ba ang nagta-transact ng ganito in cash? Doon pa lang po medyo magdududa na tayo di ba?” tanong niya.

Ipinaliwanag ng AMLC na nakadepende sila sa pagsusuri at boluntaryong ulat ng mga bangko. Kung sa tingin ng bangko ay normal ang transaksyon, hindi ito irereport sa AMLC.

“Ang lumalabas po batay sa paliwanag sa akin ng AMLC is that, essentially, they are powerless and fully dependent on the self-reporting, the evaluation and self-reporting of banks,” giit ni Tinio. 

Sa kabila ng pahayag ng budget sponsor na sumusunod ang AMLC sa mga patakaran, tinuligsa ito ni Tinio. 

“A lot of good that has done to Filipino taxpayers,” aniya.

Giit ni Tinio, ang mga lehitimong negosyo ay gumagamit na ng digital na transaksyon. Ngunit sa kaso ng mga flood control project, “nilalagay sa mga maleta, male-maleta na dine-deliver sa bahay daw ng mga corrupt politicians.” 

“Kaya po inutil. We have the AMLC, pero hindi napigilan,” dagdag pa niya. 

(Larawan: ACT Teachers Party-List | Facebook)