Tatlo patay, 10 sugatan sa hagupit ng Opong at lindol sa Masbate
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-26 16:25:09
MASBATE — Tatlong katao ang nasawi habang sampu ang sugatan sa lalawigan ng Masbate matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong at sunod-sunod na pagyanig sa isla nitong Biyernes, Setyembre 26, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Dalawa sa mga nasawi ay mula sa Masbate City—isa ang nadaganan ng bumagsak na puno, habang ang isa naman ay nasawi matapos matabunan ng gumuhong pader. Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya.
Bukod sa mga nasawi, sampung residente ang nagtamo ng iba’t ibang uri ng sugat, kabilang ang bali, galos, at trauma dulot ng pagbagsak ng mga istruktura at pagguho ng lupa. Ayon sa mga awtoridad, nasira rin ang mga linya ng kuryente at maraming puno ang natumba, dahilan ng malawakang power outage sa ilang bahagi ng lalawigan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), apat na beses nag-landfall si Opong simula Huwebes ng gabi. Unang tumama ito sa San Policarpo, Eastern Samar, bago tumawid sa Palanas at Milagros sa Masbate bilang isang severe tropical storm, at huling tumama sa San Fernando, Romblon kinabukasan.
Kasabay ng malalakas na ulan at hangin, nakapagtala rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng sunod-sunod na pagyanig sa Masbate. Ang pinakamalakas ay may magnitude 4.0 na naitala sa baybayin ng Baleno noong Huwebes ng gabi, na naramdaman sa Intensity III sa Baleno at Milagros. Limang mas mahihinang pagyanig ang sumunod bago magtanghali ng Biyernes.
Nagbabala rin ang PAGASA ng storm surge na maaaring umabot sa 2.1 hanggang 3 metro sa mga baybayin ng Masbate, Romblon, Albay, Camarines Sur, at iba pang kalapit na lalawigan. Pinayuhan ang mga residente na iwasan ang mga dalampasigan, ipagpaliban ang mga aktibidad sa dagat, at manatiling alerto sa mga susunod na abiso ng mga awtoridad.
Patuloy ang relief operations ng lokal na pamahalaan, habang naka-standby ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Office of Civil Defense (OCD) para sa distribusyon ng ayuda at pagresponde sa mga apektadong komunidad.