Diskurso PH
Translate the website into your language:

DSWD tiniyak tuloy-tuloy ang relief goods para sa mga biktima ng Cebu quake

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-01 07:25:14 DSWD tiniyak tuloy-tuloy ang relief goods para sa mga biktima ng Cebu quake

CEBU CITY — Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy ang pagdating ng relief goods at mga gamot sa mga apektadong lugar sa Cebu, kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na tumama noong Setyembre 30.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Baricuatro, nakaposisyon na ang mga supply sa mga regional warehouses at kasalukuyang ipinapadala sa mga bayan na matinding tinamaan ng pagyanig.

Kabilang sa mga ipinapadalang ayuda ay food packs, bottled water, hygiene kits, sleeping mats, tents, at essential medicines para sa mga evacuees. Pinangunahan ng DSWD Field Office VII ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na distribusyon, lalo na sa mga bayan ng Bogo City, San Remigio, Tabogon, at Daanbantayan.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 3,000 pamilya ang naapektuhan ng lindol, habang nasa 1,200 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers. Iniulat din ang pinsala sa mga gusali, kabilang ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima, at ilang paaralan at health centers.

Nagpadala na rin ang Department of Health (DOH) ng medical teams upang tumugon sa mga nasugatan at magbigay ng psychosocial support sa mga bata at matatanda. Kasalukuyang binabantayan ng PHIVOLCS ang mga aftershock, na umabot na sa 347 hanggang Oktubre 1, kabilang ang ilang naramdaman sa magnitude 4.8.

Patuloy ang panawagan ng mga lokal na opisyal para sa karagdagang supply ng pagkain, gamot, at temporary shelters. Tiniyak ng DSWD na may sapat na pondo at stockpile para sa mga susunod pang araw ng relief operations.

Larawan mula sa MyTV Cebu