Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lindol sa Cebu nagdulot ng trahedya, 19 kumpirmadong patay

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-01 06:57:46 Lindol sa Cebu nagdulot ng trahedya, 19 kumpirmadong patay

CEBU — Hindi bababa sa 19 katao ang nasawi matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang hilagang bahagi ng Cebu dakong 9:59 ng gabi nitong Martes, Setyembre 30.


Ayon sa pinakahuling ulat ng mga lokal na awtoridad, labing-tatlo (13) sa mga biktima ay mula sa Bogo City, kabilang ang apat na bata, habang apat (4) ang naiulat na nasawi sa Medellin. May ilan pang sugatan at patuloy na ginagamot sa mga ospital matapos maipit o mabagsakan ng mga debris sa gitna ng malakas na pagyanig.


Itinakda ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang sentro ng lindol sa dagat, humigit-kumulang 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City, na may lalim na 5–10 kilometro. Dahil sa mababaw na epicenter, malakas na naramdaman ang pag-uga sa iba’t ibang bayan sa Hilagang Cebu gaya ng San Remigio, Medellin at Daanbantayan.


Malalakas na aftershocks ang naitala matapos ang insidente, kabilang ang isang lindol na umabot sa magnitude 5.2. Dahil dito, nanatiling nakahanda ang mga emergency team sa posibleng karagdagang pinsala.


Malawak ang iniwang epekto ng kalamidad: ilang bahay at gusali ang gumuho, kabilang ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan na nagtamo ng matinding sira. May mga kalsada ring nagbitak at ilang linya ng kuryente ang nasira, dahilan ng malawakang pagkawala ng suplay ng elektrisidad sa hilagang bahagi ng probinsya.


Agad namang nagsagawa ng search and rescue operations ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga tauhan ng NDRRMC at mga volunteer group. Nagpadala rin ng medical teams at relief operations sa mga apektadong bayan, habang pansamantalang nakituloy sa mga evacuation centers at bukas na espasyo ang maraming residente dahil sa takot sa posibleng aftershocks.


Naglabas ng tsunami advisory ang PHIVOLCS para sa mga baybayin sa Cebu at kalapit na lalawigan ngunit agad ding binawi makaraan ang ilang oras matapos matukoy na walang abnormal na pagtaas ng tubig sa dagat.


Patuloy ang monitoring at pagtugon ng mga awtoridad sa pinsalang dulot ng lindol habang inaasahang aakyat pa ang bilang ng mga nasawi at sugatan habang nagpapatuloy ang retrieval operations sa mga apektadong lugar.