Diskurso PH
Translate the website into your language:

SWS: 46% ng Pinoy kuntento kay Marcos sa Q2 2025

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-01 07:25:12 SWS: 46% ng Pinoy kuntento kay Marcos sa Q2 2025

MANILA — Umabot sa 46% ng mga Pilipino ang nagsabing sila ay “satisfied” sa performance ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ikalawang quarter ng 2025, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Hunyo 25–29.

Batay sa resulta ng non-commissioned SWS Second Quarter 2025 Social Weather Survey, 36% ng respondents ang “dissatisfied” habang 19% ang “undecided.” Dahil dito, nakamit ni Marcos ang net satisfaction rating na +10, na ikinategorya ng SWS bilang “moderate” (+10 to +29). Ayon sa SWS, “The resulting net satisfaction rating is +10 (% satisfied minus % dissatisfied), classified by SWS as moderate.”

Ang +10 rating ay malaking pag-angat mula sa -10 noong Abril 2025, na tinukoy ng SWS bilang “poor.” Tumaas din ang gross satisfaction mula sa 38% noong Abril, habang bumaba ang dissatisfaction mula sa 48%. Ang undecided rating ay tumaas mula 14% patungong 19%.

Pinakamataas ang net satisfaction ni Marcos sa Balance Luzon na may “good” rating na +28. Sa Metro Manila, nakamit niya ang “neutral” rating na +1; sa Visayas, “neutral” -2; at sa Mindanao, “neutral” -9. Ayon sa SWS, “President Marcos’ net satisfaction rating rises in all areas,” kabilang ang urban at rural zones, at sa parehong kalalakihan at kababaihan.

Sa urban areas, tumaas ang net satisfaction mula sa “poor” -14 noong Abril patungong “moderate” +13 ngayong Hunyo. Sa rural areas, mula “neutral” -4 patungong “neutral” +7. Sa gender breakdown, parehong “moderate” ang rating: +11 sa kalalakihan at +10 sa kababaihan.

Sa age group, pinakamataas ang net satisfaction sa mga edad 55 pataas na may “very good” +32. Samantalang ang 18–24 age group ay nakapagtala ng “poor” -18, ang pinakamababa sa lahat ng sektor.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents — tig-300 mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. May margin of error na ±3% sa national level at ±6% sa bawat rehiyon.

Patuloy ang pagmomonitor ng publiko sa performance ng administrasyon, lalo na sa gitna ng mga isyu sa flood control projects, presyo ng bilihin, at kalagayan ng mga pangunahing sektor.