Halos 300 aftershocks naitala matapos ang 6.9 magnitude na lindol sa Cebu
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-01 07:25:11
CEBU CITY — Patuloy ang naging pagyanig sa Cebu matapos ang malakas na magnitude 6.9 na lindol na tumama noong gabi ng Setyembre 30. Ayon sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umabot na sa 347 ang naitalang aftershocks hanggang alas-3 ng madaling araw ngayong Oktubre 1.
Sa nasabing bilang, siyam ang may eksaktong lokasyon habang labindalawa ang naramdaman ng mga residente. Ang lakas ng mga aftershock ay naglalaro mula magnitude 1.4 hanggang 4.8, kung saan ang pinakamalakas ay naitala sa magnitude 4.8.
Ang pangunahing lindol ay may lalim na 10 kilometro at ang epicenter nito ay matatagpuan sa hilagang-silangan ng Bogo City. Kasunod nito, ilang malalakas na aftershock ang naitala sa mga karatig-bayan gaya ng Tabogon, San Remigio, at Daanbantayan.
Iniulat ang pinsala sa mga gusali, kabilang ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan na bahagyang gumuho. May ulat ng pagkasawi ng isang bata sa Medellin, habang ilang nasawi pa ang iniulat sa San Remigio, dahilan upang ideklara ng lokal na pamahalaan ang state of calamity.
Naglabas din ng tsunami advisory ang PHIVOLCS para sa mga baybayin ng Cebu, Leyte, at Biliran, bilang pag-iingat sa posibleng sea-level disturbance. Pinayuhan ang mga residente na lumayo muna sa dalampasigan habang patuloy ang monitoring.
Patuloy ang pag-aantabay ng mga awtoridad sa posibleng karagdagang aftershocks. Pinayuhan ang publiko na maging alerto, iwasan ang mga bitak na estruktura, at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at disaster response teams.
Larawan mula kay Proud Bisaya Bai