Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mall sa Consolacion, Cebu nasunog matapos ang 6.9-magnitude na lindol

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-01 06:33:28 Mall sa Consolacion, Cebu nasunog matapos ang 6.9-magnitude na lindol

Consolacion, Cebu — Nasunog ang isang mall sa bayan ng Consolacion, Cebu matapos ang malakas na 6.9-magnitude na lindol na yumanig sa lalawigan nitong Martes ng gabi, Setyembre 30.


Sa mga larawang at bidyong ibinahagi ng mga netizen sa social media, makikitang sumiklab ang apoy sa loob ng naturang establisimyento habang nagsisilikas ang mga tao. Makapal na usok ang mabilis na kumalat mula sa gusali, dahilan upang rumesponde agad ang Bureau of Fire Protection at mga tauhan ng lokal na pamahalaan.


Batay sa mga ulat, nagsimula ang sunog ilang minuto matapos ang pagyanig. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ang lindol mismo ang nagdulot ng pagkasunog o kung may pinsala sa kuryente at estruktura na naging sanhi nito.


Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang epicenter ng lindol sa layong 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo, Cebu bandang alas-9:59 ng gabi. Umabot sa mahigit 20 katao ang nasawi at 37 ang nasaktan sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.


Bukod sa mall fire, ilang gusali rin ang bumagsak o nagtamo ng pinsala, kabilang ang isang simbahan sa Daanbantayan at isang fast food branch sa Bogo. May mga tulay at pampublikong imprastraktura ring napinsala.


Dahil sa lakas ng lindol, ipinag-utos ang pansamantalang suspensiyon ng klase at trabaho sa ilang bayan at lungsod sa Cebu, kabilang ang Consolacion. Samantala, nananatiling naka-alerto ang mga rescue at emergency teams para tugunan ang mga aftershock at karagdagang pinsala.


Patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang lawak ng pinsala at kung may mga nasawi o nasugatan kaugnay ng sunog sa mall.