Diskurso PH
Translate the website into your language:

Naganap na ambush sa Midsayap, North Cotabato 2 patay, konsehala at asawa sugatan

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-07 16:42:54 Naganap na ambush sa Midsayap, North Cotabato 2 patay, konsehala at asawa  sugatan

MIDSAYAP, NORTH COTABATO — Dalawang katao ang nasawi habang tatlo ang sugatan, kabilang ang isang babaeng konsehala ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), matapos tambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang sinasakyan nilang Toyota Furtuner sa Barangay Salunayan, Midsayap, North Cotabato, nitong Martes ng umaga (Oktubre 7, 2025).

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Udin Dalgan, 31 anyos, residente ng Sultan Kudarat, at Rahib Wahab, 35, na siyang tsuper ng traysikel na ginamit ng grupo.

Sugatan naman sina Konsehal Saida Endaila ng Barangay Kadayangan, Madron Endaila Jr., 48, asawa ng konsehal, at Lani Yusop, 20. Lahat ay agad na isinugod sa ospital matapos ang insidente.

Ayon sa Midsayap Municipal Police Station, naganap ang pananambang bandang 8:45 ng umaga sa kahabaan ng national highway sa Barangay Salunayan habang patungo  ang mga biktima  sa Midsayap town center.

Base sa inisyal na imbestigasyon, biglang sumulpot ang isang puting minivan kung saan bumaba ang mga armadong lalaki at pinagbabaril ang sinasakyan ng mga biktima bago mabilis na tumakas patungong Barangay Malingao, Kadayangan.

Ayon kay Police Lt. Col. Bernard Lao, hepe ng Midsayap Police, patuloy ang pursuit operations laban sa mga salarin, at isa sa mga tinitingnang motibo ay personal grudge o alitan sa pagitan ng mga ka pamilya.

“May sinusundan kaming anggulong personal na alitan, pero bukas pa rin kami sa posibilidad ng iba pang motibo,” pahayag ni Lao.

Nagpahayag naman ng pagkondena ang lokal na pamahalaan sa marahas na insidente at nanawagan ng katarungan para sa mga biktima.

Samantala, pinayuhan ng pulisya ang mga residente na manatiling mapagmatyag at agad mag-ulat ng mga kahina-hinalang galaw sa kanilang lugar.

larawan/pna