Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lacson, hindi babawiin ang pagbitiw sa blue ribbon; mga posibleng kahalili, nag-atrasan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-07 19:22:17 Lacson, hindi babawiin ang pagbitiw sa blue ribbon; mga posibleng kahalili, nag-atrasan

OKTUBRE 7, 2025 — Tumanggi si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na bawiin ang kanyang pagbitiw bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee, sa kabila ng panawagan ng ilang kapwa senador na manatili siya sa puwesto.

“When I say no it’s no, when I say yes it’s yes,” mariing pahayag ni Lacson nitong Martes, Oktubre 7, bilang tugon sa mga apela na huwag ituloy ang kanyang pagbibitiw.

Matapos ang pormal na pagsumite ng kanyang resignation letter, agad na nagbanggit si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng limang posibleng kapalit ni Lacson: sina Senators Risa Hontiveros, Francis “Kiko” Pangilinan, Raffy Tulfo, Joseph Victor “JV” Ejercito, at Pia Cayetano.

Ngunit dalawa sa mga nabanggit ay agad nang tumanggi.

“I'm very flattered that my name is being considered among four other senators for the prestigious Blue Ribbon Committee chairmanship,” pahayag ni Tulfo. 

(Natutuwa ako na isinama ang pangalan ko sa apat pang senador para sa prestihiyosong Blue Ribbon Committee chairmanship.)

“However, if offered to me, I will humbly decline for the simple reason that I don't want to lose focus on my three committee chairmanships that are my main advocacies — Labor, Migrant Workers and Public Services,” dagdag niya. 

(Pero kung iaalok sa akin, magalang kong tatanggihan dahil ayokong mawala ang tutok ko sa tatlong komiteng hawak ko — Labor, Migrant Workers and Public Services.)

Ganito rin ang tugon ni Ejercito: “Salamat sa konsiderasyon para maging Chairman ng Blue Ribbon Committee pero alam ko ang limitasyon ko.” 

“Mas maraming mas may kakayanan na mag-chair ng importanteng committee na ito,” dagdag pa niya. 

Samantala, umaasa si Senador Lito Lapid na magbago pa ng isip si Lacson.

“Nire-respeto natin kung anong mga desisyon niya, pero kailangan siya talaga na alam naman natin, straight 'yan kung mag-imbestigasyon. Ex-pulis 'yan, ex-Chief PNP 'yan,” giit ni Lapid. 

(Larawan: Ping Lacson)