Diskurso PH
Translate the website into your language:

Marcos, nabigla: dating DPWH chief, tahimik na binuwag ang isang mahalagang patakaran

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-07 19:03:09 Marcos, nabigla: dating DPWH chief, tahimik na binuwag ang isang mahalagang patakaran

OKTUBRE 7, 2025 — Hindi agad nalaman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinanggal na pala ang tinatawag na “acceptance rule” sa mga proyektong pang-imprastraktura — isang patakaran na dating nagsisiguro sa kalidad ng mga natapos na proyekto bago ito bayaran ng gobyerno.

Ayon sa Malacañang, umabot ng tatlong taon bago ito nadiskubre ng Pangulo. Sa panayam ng Palace Press Officer na si Undersecretary Claire Castro, sinabi niyang hindi ito naipabatid ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.

“Ang magandang tanungin po dito ay bakit hindi naipaalam ni Secretary Manny Bonoan ito sa Pangulo at ang Pangulo pa po ang siyang nakaalam at nakadiskubre kaya po siya talaga pong nadismaya sa ganitong klaseng ginawa,” ani Castro. 

Ang acceptance rule ay dating nag-uutos na dapat inspeksyunin muna ng lokal na pamahalaan ang isang proyekto bago ito tanggapin. Hangga’t walang pirma ng lokal na opisyal, hindi makakakolekta ng bayad ang kontratista. 

Tinanggal ito sa ilalim ng nakaraang administrasyon, ayon kay Marcos sa panayam ng “The Sit Down” ng Manila Bulletin.

Giit ni Castro, may mga tauhan pa rin sa kasalukuyang administrasyon na sangkot sa pagtanggal ng naturang proseso. Aniya, “same people” pa rin ang nag-uulat kay Bonoan noon at ngayon ay nasa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr.

“Magandang katanungan ay kung bakit tinanggal ang proseso na ito noong nakaraang administrasyon. Ang mga nagsagawa nito ay namayagpag at iyong ibang nagsagawa nito ay nag-crossover sa pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. – same people na siyang nagri-report kay dating Secretary Bonoan,” dagdag ni Castro. 

Wala pang pahayag si Bonoan tungkol sa isyu sa ngayon.

(Larawan: Presidential Communications Office | Facebook)