Diskurso PH
Translate the website into your language:

Alcantara, isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng dibdib

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-16 09:34:00 Alcantara, isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng dibdib

OKTUBRE 16, 2025 — Isinugod sa ospital ang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Henry Alcantara matapos makaramdam ng pananakit sa dibdib habang nasa kustodiya ng Senado.

Kinumpirma ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na dinala si Alcantara sa Pasay Medical Center noong Lunes para sumailalim sa electrocardiogram (ECG) at iba pang pagsusuri. Isa siya sa mga dating district engineer ng DPWH na iniimbestigahan kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects sa Bulacan.

“‘He complained of chest discomfort. So to check, he was brought to Pasay Medical Center for ECG and other confirmatory tests. But it was ruled only as muscle spasm,’” pahayag ni Aplasca. 

(Nagreklamo siya ng pananakit sa dibdib. Kaya dinala siya sa Pasay Medical Center para sa ECG at iba pang pagsusuri. Pero lumabas na muscle spasm lang ito.)

Matapos ang pagsusuri, agad ding ibinalik si Alcantara sa Senado sa parehong araw. Ayon kay Aplasca, nasa maayos na kalagayan na ito at patuloy na mino-monitor ng medical team ng Senado ang kalusugan ng lahat ng detainee.

Si Alcantara ay idineklarang in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 18 dahil sa umano’y pagsisinungaling sa imbestigasyon. Mariin niyang itinanggi ang pagkakasangkot sa mga iregularidad sa flood control projects.

Kasama rin sa mga nakakulong sa Senado sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, kapwa dating assistant district engineers ng DPWH. Naghain na sila ng kahilingan kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na payagan silang manatili sa bahay habang dinidinig ang kaso, ngunit wala pang aksyon dito.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)